Health Sector, may pinakamalaking pondo sa Bayanihan 2

Health Sector, may pinakamalaking pondo sa Bayanihan 2

KINUMPIRMA ni Senador Sonny Angara ang pinakamalaking bahagi ng pondo para sa Bayanihan to Recover as One Act o mas kilala sa tawag na Bayanihan 2, inilaan sa sektor pangkalusugan.

Sinabi ni Angara na pangunahing layunin ng Bayanihan 2 na ipagpatuloy at palawigin pa ang tulong ng pamahalaan sa iba’t ibang sektor na nagdurusa hanggang sa kasalukuyan dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Nilinaw ng senador na bagaman halos P55B ang mapupuntang pondo sa government financial institutions, pinakamalaking bulto pa rin ang inilaan sa mga programang pangkalusugan dahil nasasailalim lamang ito sa nag-iisang sektor na aabot sa P40.5B.

Kabilang sa mga programang pangkalusugan ang patuloy na pag-empleyo ng emergency human resources for health (HRH); pagpapaigting sa kakayahan ng DOH hospitals; special risk allowance para sa mga pribado at pampublikong health workers at kompensasyon sa health workers na magkakasakit ng COVID o kaya’y papanaw dahil sa sakit na ito habang naka-detalye sa COVID patients.

Sa ilalim naman ng Bayanihan 2, tatanggap ng P15,000 ang healthworkers na magdaranas nang mild to moderate case ng COVID.

May nakalaan ding P3B para sa pagbili ng PPEs, face masks, gowns, shoe covers at face shields na ipamimigay sa health workers, barangay personnel at sa mahihirap nating mga kababayan na walang kakayahang bumili alinman sa mga nabanggit.

Nakasaad din sa panukala na dapat suportahan ang lokal na industriya kaya’t kinakailangang magmumula sa Pilipinas ang bibilhing PPEs.

May kaukulan namang P4.5B alokasyon para sa konstruksyon ng temporary medical isolation at quarantine facilities, field hospitals, dormitories para sa frontliners at sa pagpapalawak sa kapasidad ng mga ospital sa mga bansa.

Halagang P4.5B din ang inilaan para naman sa konstruksyon at pagmamantine ng isolation facilities, gayundin ang billing ng hotels, pagkain at transportasyon na gagamitin sa pagresponde sa COVID cases.

Para naman sa hiring ng tinatayang 50,000 contact tracers ng DILG, inilaan sa Bayanihan 2 ang alokasyong P5B para rito..

Para naman sa Covid testing at sa nakatakdang pagbili ng bakuna, may nakalaang P10B at ito ay nasa ilalim ng standby fund na P25.5B.

Kaugnay sa bakuna, ipinaliwag ni Angara na bibilhin lamang ito ng estado kung ito ay aprubado at rekomendado ng World Health Organization o kaya nama’y kinikilala ng iba’t ibang health agencies sa buong mundo.

Leave a Reply

%d bloggers like this: