Mga polisiya sa paggamit ng face shield, linawin

Mga polisiya sa paggamit ng face shield, linawin

NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na linawin ang mga patakaran sa paggamit ng face shields.

Ito ay upang maiwasan ang kalituhan ng publiko, lalo na’t iba-iba ang patakaran ng mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng face shields.

Kung malinaw ang ebidensyang napipigilan ng face shields ang pagkalat ng COVID-19, kailangang may iisang patakaran ang lahat ng sektor sa paggamit nito, ani Gatchalian.

“Hindi naman pwedeng pagpunta mo sa Taguig nakasauot ka ng face shield tapos pagpunta mo sa Valenzuela hindi naman pala kailangan. Ang konsepto nga dito ay mabawasan natin yung pagkalat ng COVID-19 sa buong bansa. Wala pang patakaran ngayon, kaya hinihimok ko ang IATF na magkaroon ng malinaw na polisiya sa face shields dahil nalilito ang mga tao,” pahayag ni Gatchalian.

Una nang naglabas ng kanya-kanyang patakaran ang Department of Transportation (DOTr), Department of Trade and Industry (DTI), at ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa paggamit ng face shields.
Dahil dito, kailangan nang magsuot ang mga mamamayan ng face shield sa mga pampublikong sasakyan at sa kanilang mga trabaho.

Samantala, patuloy namang pinag-uusapan sa IATF kung kakailanganin na ba ang pagsuot ng face shields sa lahat ng mga pampublikong lugar.

Ayon kay Gatchalian dapat ding suriin nang mabuti ang presyo nito lalo na’t aabot na ng malaking halaga kapag bumili ng face shields sa lahat ng miyembro ng pamilya.

Pero ayon sa DTI at sa Department of Health (DOH), ang suggested retail price ng kada isang face shield ay hindi dapat lalagpas sa P50.

“Ang presyo ng face shields iba-iba, may 50 pesos, may 100 pesos, may 200 pesos at nagiging isyu ito sa ating mga kababayan,” saad ni Gatchalian.

Ipinaliwanag ng DOH, hindi dapat gamitin ang mga face shields bilang pamalit sa mga face masks.

Sa halip, dapat itong magsilbing dagdag prokeyson upang maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19.

Leave a Reply

%d bloggers like this: