Gatchalian, may babala sa ibang power distributors

Gatchalian, may babala sa ibang power distributors

NAGBABALA si Senador Win Gatchalian sa iba pang distribution utilities (DUs) sa bansa na maaaring sapitin ang nangyari sa Meralco kung hindi rin sila susunod sa mga direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Pinagbabayad ng ERC ang Meralco ng P19 milyon dahil sa paglabag nito sa ilang direktiba.

Una, hindi nilinaw ng Meralco na “estimated” ang billing mula Marso hanggang Mayo.

Pangalawa, hindi ipinagbigay-alam ng Meralco sa electricity bill ng Mayo na pwedeng bayaran ng installment sa loob ng apat na buwan ang kuryenteng nagamit nuong kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon kay Gatchalian, lumalabas na halos P300 milyon ang multa ng Meralco dahil bukod sa P19 milyong, bibigyan din ng diskwento ang mga tinatawag na lifeline consumers na ang kunsumo ay hindi lalagpas sa 100 kWh sa loob ng isang buwan na aabot sa P 275 milyon.

“Magsilbing babala sana ito sa Meralco at sa iba pang distribution utilities sa bansa na sumusuway sa ipinag-uutos ng power regulator,” ang mariing sinabi ni Gatchalian.

“Ang mga panggigipit at pananamantala sa panahon ng krisis at pandemya ay nararapat lamang na patawan ng karampatang kaparusahan. Maliit na halaga, kung tutuusin, ang multang ipinataw sa Meralco kumpara sa idinulot na kalituhan at pasaning bayarin lalo na doon sa sapat lamang ang kita araw-araw. Ang mga hindi katanggap-tanggap na mga gawain na labag sa interes ng nakararami ay hindi dapat pinapalampas ng walang kaukulang kaparusahan,” dagdag pa niya.

Nakikiisa si Gatchalian sa milyung-milyong consumer ng Meralco na labis na naapektuhan ng bill shock nuong panahon ng ECQ.

Sa ilang mga pagdinig ng Senate Energy Committee na pinamumunuan ni Gatchalian, matatandaang isinulong ng senador noon na hingan ng paliwanag ang Meralco kasunod ng sinasabi nilang ‘underestimation’ at ‘overestimation’ sa electricity bill na nagdulot ng kalituhan sa mga consumer.

Leave a Reply

%d bloggers like this: