Reklamo sa online selling, bumuhos

Reklamo sa online selling, bumuhos

SA GITNA ng paglobo ng bilang ng online sellers sa panahon ng COVID 19 pandemic, kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) na inulan din sila ng mga reklamo mula sa mga consumer.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez, simula January 1 hanggang March 15, nasa 1,753 lamang ang nagparehistrong online sellers subalit mula March 16 hanggang August 31, mahigit 73,000 ang nag-apply para sa business name registration.
Subalit sa datos pa rin ng DTI, mula sa mahigit 2,500 noong 2019, umabot na sa 12,000 nag tinanggap na reklamo ng DTI hanggang August 31 o “quadruple increase” dahil sa online transactions.
Noong Marso hanggang Mayo, sinabi ni Lopez na 8,000 ang natanggap nilang reklamo.
Iginiit naman ni Senador Win Gatchalian na dahil sa mga reklamong ito napapanahon nang isulong ang panukala para bigyang proteksyon ang mga namimili at nagtitinda sa internet transactions sa pamamagitan ng pagbuo ng E-Commerce Bureau.
Kabilang sa layunin ng panukala na bumuo ng trustworthy trading environment sa pamamagitan ng pagsasaayos ng digital access ng sellers at buyers at gawing ligtas ang mga online transactions.
Isa rin sa sinita ni Gatchalian sa pagdinig kung bakit hindi pa rin fully online ang pagpaparehistro ng online business at kailangan pang magtungo sa ahensya ng gobyerno.
Ipinaliwanag naman ni Lopez na kung sa DTI lang, fully online na ang pagpaparehistro na aabutin lamang ng walong minuto subalit kung kasama anya ang Securities and Exchange Commission ay doon na naihahalo ang manual at online registration.
Hiling naman ni Lopez na bigyan sila ng 6-12 buwan upang pagkabit-kabitin ang online processes.

Leave a Reply

%d bloggers like this: