Lapid: PWD ID, gawing lifetime

Lapid: PWD ID, gawing lifetime

ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid na panghabambuhay o lifetime ang validity ng Identification Cards ng persons with permanent disabilities (PWD).
Sa kanyang Senate Bill 1795, isinusulong ni Lapid na alisin na ang probisyon na kinakailangang i-renew ng PWD ang kanilang mga ID kada tatlong taon.
Naniniwala ang senador na ang re-evaluation ay hidni na kinakailangan sa isang PWD na may permanent disability tulad ng birth defects, permanent blindness o deafness, loss of limb o body parts.
“Marapat lamang na bigyan ng mas malawak na pang-unawa at konsiderasyon ang mga kababayan nating may kapansanan. Kaya dapat lang na tulungan natin silang mapagaan ang ilang gawain gaya na lamang ng pagkakaroon ng PWD ID para masigurong meron silang sapat na benepisyo at pribilehiyo,” saad ni Lapid.
“Hindi na sila dapat pahirapan pang i-renew ang kanilang PWD ID lalo na kung ang kapansanan nila ay panghabang-buhay na. Makakabigat lamang sa kanila ang pagsasailalim sa paulit-ulit na proseso ng pagkuha ng ID at pag-aaksaya lang din ito ng kanilang oras at salaping pambayad sa renewal fee,” dagdag ni Lapid.
Sa panukala ni Lapid, aamyendahan ang RA 7277 o ang “Magna Carta for Disabled Persons” upang gawing lifetime ang validity ng PWD IDs.
“Tungkulin ng ating gobyerno na tulungan ang ating mga kababayan lalo na ang mga nasa sektor na may higit na pangangailangan gaya ng mga may kapansanan. Maliit na bagay kung tutuusin na siguruhing hindi na mahihirapan pang mag-renew ng PWD ID ang mga kapatid nating panghabang-buhay na ang kundisyon. Kaya hiling ko na agad itong matalakay sa Senado at maipasa bilang batas,” diin ni Lapid.

Leave a Reply

%d bloggers like this: