Pagawaan ng pekeng COVID-19 test results, sinalakay

Pagawaan ng pekeng COVID-19 test results, sinalakay

MAKARAANG maghigpit sa tinaguriang Recto University, ginawang puwesto ng pamemeke ng isang ginang ang kaniyang bahay sa Sta. Cruz, Maynila na kabilang sa ginagawa ay mga pekeng COVID-19 rapid test results at maging mga quarantine pass para makagala ang sinuman na may nais makaisa sa pamahalaan.
Nakilala ang nadakip na si Marilyn Balagtas, 40-anyos, may-asawa at nakatira sa No. 1231 Sulu Street, Brgy. 317 Sta. Cruz, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Sta.  Cruz Police Station 3, dakong alas-2:45 nang magsagawa ng entrapment operation ang mga pulis sa bahay ni Balagtas makaraang makatanggap ng ulat sa mga concerned citizen sa paggawa at pagbebenta ng mga iligal at pekeng mga dokumento.
Hindi na nakapalag si Balagtas nang tumanggap ng P300 buy bust money buhat sa isang pulis na nagpanggap na kustomer na kunwari ay nagpapagawa ng pekeng resulta ng COVID-19 rapid test.
Ayon sa mga pulis, gumagawa rin ang suspek ng pekeng medical certificates, travel authority, IATF cards, quarantine passes, driver’s license at maging Certificate of Employment.  Ginagamit umano ng suspek ang pangalan ng mga lehitimong medical clinics sa mga pinipekeng dokumento.
Sumisingil ang suspek ng P300 kada transaksyon at dinarayo ng mga kustomer buhat sa iba pang lungsod.  Depensa ng suspek, pinapa-scan lamang umano sa kaniya ang mga dokumento ng kaniyang mga kustomer.
Kinumpiska sa pagsalakay ang dalawang unit ng desktop computer, isang printer, iba’t ibang uri ng mga palsipikadong dokumento at ang P300 buy bust money.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasogn Falsification of Public Documents sa Manila City Prosecutor’s Office.

Leave a Reply

%d bloggers like this: