Virgin Coconut Oil (VCO) pinag-aaralan bilang gamot sa COVID-19

Virgin Coconut Oil (VCO) pinag-aaralan bilang gamot sa COVID-19

INAASAHAN na malalaman sa Disyembre kung magiging mabisa ang ‘virgin coconut oil’ sa paglaban sa COVID-19 sa magiging resulta ng ginagawang clinical trials nito, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dalawang trials ang kailangang gawin sa VCO kung saan isa ang inumpisahan na ntiong Mayo 1 sa Sta. Rosa, Laguna.
“Nag-umpisa May 1, matatapos December 31. Eight months ‘yung clinical trial. Titingnan ang beneficial effects ng virgin coconut oil sa mga suspect and probable COVID-19 na naka-quarantine sa kanilang center o ospital,” ayon kay Vergeire.
Nasa 40 pasyente ng Sta. Rosa Community Hospital ang naka-enrol sa trials habang madadagdagan pa umano ito ng mga partisipante buhat naman sa Medical City Sta. Rosa.
Ang isa pang trial ay nag-umpisa na rin nitong nakaraang Hunyo 1 at magtatapos sa Mayo 31, 2021 pa kung saan nakatutok naman sa kaligtasan at pagiging epektibo ng VCO bilang “supplement therapy” para sa COVID-19.
Nabatid na pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) ang pag-aaral sa VCO bilang isa sa mga gamot kontra COVID-19 dahil sa naniniwala ang mga siyentista sa “anti-viral” na katangian nito.

Leave a Reply

%d bloggers like this: