Pangmatagalang solusyon sa water shortage, ipinakakasa

Pangmatagalang solusyon sa water shortage, ipinakakasa

IGINIIT ni Senador Imee Marcos sa gobyerno na resolbahin ang sigalot sa negosasyon sa pagitan ng mga komunidad ng mga tribong apektado ng Kaliwa Dam project upang masolusyunan ang kakulangan sa suplay ng tubig.
Binigyang-diin ni Marcos na sa kabila ng mga pag-ulan sa nakalipas na buwan, patuloy sa pagbaba ang suplay ng tubig sa Angat Dam na mas mababa na sa 180 meters minimum operating level nito.
Babala ni Marcos, kapag hindi nagtuloy-tuloy ang pag-ulan posibleng masagad ang suplay ng tubig sa Angat Dam sa critical level nito na 160 meters pagsapit ng Nobyembre, sakaling mag tuloy-tuloy ang kasalukuyang rate ng nababawas na tubig.
“Once and for all, latagan na natin ng solusyon ang matagal nang problema sa tubig ng Metro Manila, short at long-term,” ani Marcos, na umaapela sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Nagbalik-operasyon ang gobyerno sa paggawa ng mga access road noong Mayo kahit may lockdown bunsod ng Covid-19, taliwas sa ipinangako ng MWSS noong Pebrero sa huling pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities.
Tutol sa Kaliwa Dam project ang  Samahan ng Katutubong Agta/Dumagat-dahil hindi maiiwasang magpapalubog sa pag-aaring lupain o ancestral domain ng mga katutubo at magiging dahilan pa para palayasin sila sa kanilang tirahan.
Sa ngayon, sinabi ni Marcos na maaaring maparami ang suplay ng tubig kung gagamitin ng Maynilad ang bilyon-bilyon nitong kita para bawasan ang mga leakages ng tubig o mga ilegal na koneksyon, kung saan 30% ng kabuuang water distribution ng kumpanya ang nasasayang.
“Makatutulong rin ang pagbabawas sa mga nasasayang na tubig para mapababa pa ang singil sa mga konsumer, dahil hindi na nila aakuin ang lahat na gastos sa napakalaking 30% na yan,” ani Marcos.
“Natukoy na ng Manila Water ang Laguna Lake bilang alternatibong pagkukunan ng tubig, pero ang pagsasala para mas maging maganda ang kalidad ng tubig ay napakahirap gawin at napakamahal. Papasanin pa ng mga konsumer ang mahal na gastusin para dito,” dagdag pa ni Marcos.
Binigyang diin ni Marcos na mas lumaki ang pangangailangan sa tubig dahil sa Covid-19 pandemic na nangangailangan ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagligo, paglalaba at paglilinis.
“Bilang responsableng mamamayan, gawin natin ang ating parte para maibsan ang mga epekto ng kakapusan sa tubig. Huwag mag-aksaya ng tubig kapag naghuhugas o naglalaba, bawasan ang paliligo ng matagal o gumamit ng tabo kapag naliligo. Ihanda natin ang mga drum ng tubig at mga balde para sa pagkolekta sa tubig-ulan na pwede ring magamit,” saad ni Marcos.

Leave a Reply

%d bloggers like this: