Pinoy na walang trabaho, mas dumami

Pinoy na walang trabaho, mas dumami

PATULOY pa rin ang kalbaryo ng mga ordinaryong mamamayan makaraan na mas maraming pang Pinoy sa pribadong sektor ang naiulat na nawalan ng trabaho mula nitong Enero, base sa sariling datos ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa Job Displacement Monitoring Report ng DOLE, umaabot sa 190,024 ang nawalan ng trabaho sa pribadong sektor sa buong bansa mula sa 10,177 establisimiyento mula nitong Enero.
Ang naturang datos ay hanggang Setyembre 7.  Nabatid na nitong Agosto 31 ay naitala ang nawalan ng trabaho sa 180,207.
Sa higit 10,000 establisimiyento, may 9,100 ay napilitang magbawas ng tauhan dahil sa pandemya habang higit sa isanlibo naman ang tuluyan nang nagsara.
Pinakamarami sa mga nawalan ng trabaho ang mula sa National Capital Region (NCR) na may 94,736 displaced workers, kasundo ang Region 4A na may 35,908 displaced workers at Region 3 na may 19,872 nawalan ng trabaho.
Nakapaloob rin sa datos na nasa 3,140,651 manggagawa sa bansa ang naapektuhan ng pandemya mula sa 111,298 establisimiyento na nagpatupad ng iba’t ibang paraan para sa ‘flexible work arrangements’ habang iba naman ay pansamantalang nagsara.
Dahil sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya, umaasa ang DOLE na mapanunumbalik na rin ang trabaho at mababawasan ang mga bilang ng nawalan nito.  Magtutulung-tulong umano ang mga Public Employment Service Offices (PESOs), mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor para magbigay ng trabaho sa– online, digital at maging ‘face-to-face’ na mga uri ng hanapbuhay.

Leave a Reply

%d bloggers like this: