African syndicate na nagnanakaw ng pera ng bangko, natimbog

African syndicate na nagnanakaw ng pera ng bangko, natimbog

ISANG sindikato ng mga Africanong hacker na responsable sa pagnanakaw ng milyon-milyong pera na deposito ng mga Pilipino sa ilang bangko ang nalansag ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang operasyon sa Muntinlupa City nitong nakaraang Martes.

Hindi pa naman ipinalalabas ng NBI Cybercrime Division ang pagkakakilanlan sa mga suspek na naaresto sa isang operasyon sa kanilang tinutuluyang dalawang condominium units sa may Solano Hills sa Sucat, Muntinlupa City sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng lokal na korte.

Bukod sa apat na Nigerian, isang Pilipina rin ang inaresto ng NBI habang nakumpiska ang ilang mga digital devices na gamit ng mga suspek sa kanilang operasyon maging ang ilang blangkong ATM card at mga resibo ng bangko.

Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo, sa grupo natukoy ang ginawang hacking sa isang bangko noong Hunyo 12 kung kailan higit P100 milyon ang natangay.

“Medyo complicated ang international syndicate, to the point na pinag-aaralan nila yung system flaws. Pag nakita nila ang weakness, doon sila nagte-take advantage,” ayon kay Lorenzo.

Inamin naman ng babaeng suspek, nobya ng isa sa mga Nigerian, na ginamit ang kaniyang account para ideposito at i-withdraw ang pera na ninananakaw ng sindikato. Hindi umano niya alam na nakaw ang salapi dahil sa pang-tuition umano ito sa kanilang pag-aaral.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Access Device Law, Anti-Cybercrime law at falsification of public documents.

 

Leave a Reply

%d bloggers like this: