Gadon nasopla; petisyon sa pagpapalit ng pangalan ng NAIA ibinasura

Gadon nasopla; petisyon sa pagpapalit ng pangalan ng NAIA ibinasura

MULING nasopla ng Korte Suprema ang kontrobersyal na abogado na si Larry Gadon makaraang ibasura ng lahat ng miyembrong mahistrado ang petisyon niya na humihiling na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kakulangan ng merito.

Sinabi ni SC spokesperson Brian Hosaka na naging “unanimous” ang pagboto ng mga mahistrado para ibasura ang petisyon ni Gadon na ipawalang-bisa ang Republic Act 6639 na nagtatatag sa NAIA.

Sa petisyon ni Gadon, nais niyang ibasura ang RA 6639 na nagpangalan sa NAIA dahil sa paglabag umano sa panuntunan ng National Historical Commission of the Philippines na nagsasaad na pangalanan lamang ang isang pampublikong lugar sa isang tao matapos ang 10 taon ng kaniyang pagkasawi.

Nabatid na naipasa ang RA 6639 noong 1987 habang ang panuntunan ng NHCP ay nalikha lamang noong 2007 o 20 taon ang nakalipas.

Sa kaniyang petisyon, tila pinasaringan rin ni Gadon si dating Senador Benigno Aquino Jr. na hindi naman umano naideklarang isang pambansang bayani.

Nitong nakaraang Hunyo, ibinasura rin ng SC ang petisyon ni Gadon na humihiling na pigilan ang National Telecommunications Commission (NTC) na magbigay ng ‘provisional authority’ sa ABS-CBN Corp. na mag-operate kahit lagpas na ang kanilang prangkisa.

Pinagsabihan ng SC si Gadon na maging “circumspect” sa pagsasampa ng mga petisyon dahil sa isang seryosong usapin umano ito.

Leave a Reply

%d bloggers like this: