Tindahan ng mga Muslim sa Port Area, winasak

Tindahan ng mga Muslim sa Port Area, winasak

NAGTAPOS na ang paghahari ng mga tinderong Muslim sa Port Area sa Maynila makaraang wasakin ng mga tauhan ng Manila Department of Public Safety (DPS) ang kanilang mga puwesto na sumakop na sa bangketa at kalsada nitong Miyerkules ng umaga.
Pasado alas-9 ng umaga nang sumugod ang mga tauhan ng DPS sa Railroad Drive at sinuyod rin ang 12th Harbor Street kung saan halos sinakop na ng mga vendors ang malaking bahagi ng kalsada kaya hindi na madaanan ng maayos ng mga behikulo.
Hindi na nakapalag ang mga may-ari ng mga stalls na karamihan ay mga Muslim nang gibain ang mga itinayo nilang istruktura habang kaniya-kaniyang hakot naman ang mga tindero ng kanilang mga paninda na masuwerteng hindi kinumpiska.
Kabilang sa itinitinda dito ang mga siraing mga bisikleta, 2nd hand na mga appliances tulad ng mga sewing machines, washing machines, refrigerator at mga aircon maging mga motorcycle gears at accessories na karamihan ay mga peke.
Nagbigay ng seguridad ang mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team sa pangunguna ni PMaj Rosalino “Jhun” Ibay sa demolition team.
Sinabi ni Ibay na karamihan sa mga may-ari ng mga puwesto na giniba ay may mga sariling bahay sa Baseco sa Tondo at sa Greenhills sa San Juan.  Ginawa na rin umano ng mga vendor na bodega ang mga puwesto habang sinakop nila ang kalsada para mai-display ang mga paninda.

Leave a Reply

%d bloggers like this: