Moratorium sa pagbabayad ng bills, pasok sa Bayanihan 2

Moratorium sa pagbabayad ng bills, pasok sa Bayanihan 2

BINIBIGYAN ng palugit na 30 araw ang mga may bayarin sa utility bills kasunod ng pag-apruba sa ‘Bayanihan to Recover as One Act’ o Bayanihan 2.
Sa probisyon ni Senador Win Gatchalian sa Bayanihan 2, binbigyan ng 30 araw na moratorium sa pagbabayad ng utility bills, tulad ng kuyente at tubig, ang mga nakatira sa lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa ngayon, ang Iligan City, Bacolod City, at Lanao del Sur ang mga probinsiyang idineklarang naka-MECQ hanggang katapusan ng Setyembre.
Ayon sa senador, hindi na rin muna pababayaran ang interes sa bill, penalties, at iba pang dagdag singilin o charges sa loob ng tatlumpung araw habang naka-ECQ o MECQ ang isang lugar.
Sinabi pa ni Gatchalian na pagkatapos ng 30-day grace period ay pinapahintulutan din ng Bayanihan2 ang residential users, micro, small and medium enterprises o MSMEs, at mga kooperatiba, na magbayad ng pautay-utay sa loob ng tatlong buwan.
Matatandaang nanguna si Gatchalian sa pagkalampag nuon sa Energy Regulatory Commission (ERC) na sabihan ang mga distribution utilities (DUs), tulad ng Meralco, na pumayag ng deferred payment nuong kasagsagan ng ECQ sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
“Malaking bagay ang ‘Bayanihan 2’ lalo na doon sa mga Pilipinong nawalan ng hanapbuhay o nabawasan ang kita dahil sa pinaigting na quarantine protocols ng gobyerno,” ayon sa senador.
“Para sa mga arawan ang kita, mababawasan ang kanilang mga aalalahanin sa kanilang mga buwanang gastusin at makakatulong ito sa unti-unting pagbangon sa hamon na kinakaharap,” dagdag pa niya.

Leave a Reply

%d bloggers like this: