Mga pasahero, mas mag-ingat

Mga pasahero, mas mag-ingat

PARA makaiwas na mahawa ng COVID-19, pinayuhan ng Department of Health (DOH) na mas mag-ingat na lamang ang mga pasahero kapag sasakay sa mga pampublikong behikulo o kaya ay maghanap ng ibang sasakyan na maipatutupad ang isang metrong distansya.
     Ito ay makaraang magdesisyon ang Department of Transportation na ibaba ang 1 metrong distansya sa mga pampublikong sasakyan sa .75 metro hanggang .5 metro.
     “The Department of Transportation, being the lead agency, shall be responsible for issuing and enforcing transport guidelines to ensure that the public’s health and safety shall not be compromised,” ayon sa pahayag ng DOH.
     Maging mapagmatyag na lamang umano ang mga Pilipino sa mga sitwasyon na hindi maipatupad ang physical distancing at kung posible ay gumagamit ng mga opsyon sa transportasyon na maipatutupad ang isang metrong distansya sa bawat isa.
      Ito ay sa kabila ng babala ng mga health experts na mas delikado ang magdikitan sa mga sasakyan tulad ng jeep at mga walang aircon na bus kung saan tinatangay ng hangin ang virus.
     Sinabi ni Dr. Edsel Salvaña, clinical associate professor ng UP-Philippine General Hospital, na wala namang pag-aaral na magiging kapareho rin ang proteksyon sa tao kung nakasuot ng face mask at face shield kung babawasan ang physical distancing.
     Duda naman si Dr. Rontgene Solante, head ng adult infectious diseases department sa San Lazaro Hospital, na mas lalong tataas ang banta ng pagkalat ng virus kung bababaan ang physical distancing at magsasama-sama ang mga tao sa isang sasakyan na mula sa iba’t ibang cluster.
     Ang desisyon ng DOTr ay taliwas sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na isang metrong layo sa bawat-isa habang ang European Union (EU) ay inirerekomenda naman ang 1.5 metrong agwat at dalawang metro naman ang ipinatutupad ng United States Centers for Disease Control and Prevention.

Leave a Reply

%d bloggers like this: