Nasabat na smuggled cellphones, gadgets, ibigay sa mga estudyante

Nasabat na smuggled cellphones, gadgets, ibigay sa mga estudyante

HINIMOK ni  Senadora Imee Marcos ang Bureau of Customs na i-donate na lamang para sa blended learning ang mga nakumpiskang smuggled cellphone, tablets at laptops.

“Kung nagawang i-donate ng BOC ang halos 800 puslit na behikulo sa mga pulis, militar at iba pang ahensya ng gobyerno noong Hulyo, siguradong kaya rin nitong lutasin ang pag-aalala ng libu-libong mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate sa kanila ng mga kumpiskadong electronic gadgets,” sinabi ni Marcos.

Iginiit ng senadora na sa halip na sirain o i-subasta, maaaring i-donate ng gobyerno ang mga smuggled electronic devices na hindi pa rin kinukuha ng mga importer matapos ang 15 araw na sila’y maabisuhan.

Sa impormasyon ng mambabatas, halos 29.5 tons ng mga cellphone, storage devices at electrical items ang nakumpiska ng BOC noong Agosto dahil sa kawalan ng clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.

Noong nakaraang taon, kabuuang P100 milyong halaga ng cellphone at mga baterya mula Hong Kong ang nasabat sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, bukod pa sa P15 milyong halaga ng second-hand na cellhone, lithium batteries at phone accessories mula South Korea ang nakumpiska sa paliparan ng Maynila.

“Ang isang  libreng cellphone o laptop ay malaking ginhawa para sa isang nanay na pilit pagkakasyahin ang badyet para sa araw-araw na gastos sa pagkain, bayad sa kuryente, at ngayon sa online learning,” pahayag pa ni Marcos.

“Kakailanganin ng pamilyang may tatlong anak ang P25,000 para makabili ng dalawang laptop, makapagpakabit ng upgraded na internet connection, at obligado pa ang isa sa mga magulang na maglaan ng kahit apat na oras kada araw para tulungan ang kanilang anak sa pag-aaral,” paliwanag pa ng mambabatas.

Leave a Reply

%d bloggers like this: