P12.9 Bilyon gugugulin sa pagbili ng COVID 19 vaccine

P12.9 Bilyon gugugulin sa pagbili ng COVID 19 vaccine

AABOT sa P 12.9 bilyon ang kakailanganin ng pamahalaan para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19 sa oras na makadebelop na nito ang ibang mga bansa, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Biyernes.
     Sa budget hearing ng DOH kahapon sa Kongreso, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje ito ang gugugulin sa bakuna buhat sa panukalang P203.1 bilyong pondo apra sa DOH para sa 2021.
     “We need P12.9 billion po, pero P2.5 billion po muna ang in-allocate namin kasi po ang scheme, puwede hong loan sa Landbank para ma-cover ‘yung remaining budget requirement,” ayon kay Cabotaje.
     Idinagdag pa ng opisyal na target nilang mabakunahan ang mga vulnerable sectors kabilang ang mga medical frontliners, Barangay Health Workers, indigent group tulad ng mga senior citizens, maysakit at maging ang mga Person With Disabilities (PWDs).
     Saklaw ng pondo ang target na  20 milyong Pilipino na kabilang sa ‘most at risk sector’.
     Tutulong naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at mga lokal na pamahalaan para sa maayos at sistematikong distribusyon ng bakuna.
     Sa kasalukuyan, sinabi ni Cabotahe na patuloy ang pakikipagugnayan ng DOH sa mga suppliers  na posibleng magbenta ng COVID 19 vaccines sa Pilipinas sa oras na makapasa na ito sa regulatory standard ng Food and Drugs Administration (FDA).
     Ang clinical trials ng World Health Organization sa COVID 19 vaccines  ay isasagawa sa Pilipinas sa katapusan ng Oktubre at tatagal ng hanggang anim na buwan.

Leave a Reply

%d bloggers like this: