Pekeng kontraktor ng ‘disinfection’ nagkalat

Pekeng kontraktor ng ‘disinfection’ nagkalat

NAGBABALA ang Manila Police District (MPD) sa posibleng mga nagkalat na mga swindler na nag-aalok o biglang naniningil ng bayad para sa ‘disinfection service’ sa mga restoran at ibang maliliit na negosyo para makatangay ng salapi.
     Ito ay makaraang bumagsak ang isang babae sa kulungan nang pilit na maningil ng bayad sa ‘disinfection service’ sa isang negosyante kahit na hindi siya kinontrata ng biktima at walang serbisyong naganap, kamakalawa ng hapon sa Sta. Ana, Maynila.
     Nahaharap ngayon sa kasong Attempted Estafa sa Manila City Prosecutor’s Office ang suspek na si Marichu Santos, 39, dalaga at nakatira sa No. 770 Panay Street, Brgy. Pitogo, Makati City.
     Sa ulat ng Sta. Ana Police Station 6, nagbabantay ng kaniyang negosyo na JD’s Patahan at Manukan sa may P. Gil Street sa Sta. Ana ang biktima na si Paul Hedeo, 25, ng Brgy. Kawilawan, Makati City, dakong alas-4:45 ng hapon nang lapitan siya ng suspek.
     Sinabi ni Hedeo na sinisingil siya ng suspek ng halagang P4,480 na nakatala sa iprinisinta sa kaniyang resibo ukol sa serbisyong pag-disinifect sa kaniyang puwesto.  Tumanggi si Hedeo na bayaran ang halaga dahil sa hindi naman siya nangontrata kaninuman at wala rin namang ‘disinfection service’ na ginawa sa puwesto ng kaniyang negosyo.
     Dito nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa dalhin ni Hedeo sa tulong ng kaniyang tauhan ang babae sa tanggapan ng kanilang barangay. Sa loob ng barangah hall, natuklasan na peke ang mga iprinisitang resibo ng suspek at wala rin siyang kaugnayan sa anumang kumpanya na nagbibigay ng ‘disinfection services’ maging hindi rin siya makapagpakita ng dokumento na nagkaroon ng kasuduan sila ni Hedeo.
     Isinuko ng mga opisyal ng barangay si Santos sa Sta. Ana Police Station kung saan nakaditine siya sa custodial jail nito.

Leave a Reply

%d bloggers like this: