2 ospital kinasuhan ng NBI

2 ospital kinasuhan ng NBI

Abot-kamay na ba ng isang mister sa Caloocan City ang hustisya sa pagkamatay ng kaniyang bagong panganak na misis nang tanggihan siya ng mga pagamutan?

Ito ay nang sampahan na ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation sa Quezon City at Grace General Hospital sa Bulacan dahil sa pagkamatay ng misis ni Christian Bulatao na si Catherine.

Sinabi ni NBI-National Capital Region (NCR0 head agent Dante Pua na kinasuhan na nila ng paglabag sa Anti-Hospital Deposit Law ang dalawang ospital.

Inihayag ni Christian na masaya at nakahinga na siya ng maluwag dahil sa nakasuhan na ang dalawang pagamutan. Nagkaroon na umano siya ng pag-asa na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng kabiyak dahil sa malalaking pagamutan ang mga sangkot.

Matatandaan na nanganak sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan noong Abril si Catherine ngunit naiwan sa loob ng kaniyang matris ang placenta kaya kinailangan siyang isugod sa pagamutan para matanggal ito.

Tinanggihan umano sila ng FEU Hospital na nanghingi sa kanila ang P30,000 downpayment habang ang Grace General Hospital naman ay tumanggi rin dahil sa wala naman umano silang obstetrician ng naturang oras.

Tinanggap naman ang pasyente ng San Jose del Monte General Hospital, ang ikapitong pagamutan na pinagsuguran sa kaniya, ngunit hindi na umabot ng buhay ang ginang.

Sinabi ng NBI na maaari naman na nagpatawag ng naka-standby na OB-Gyne ang Grace General Hospital dahil sa emergency ang kaso.

Una nang itinanggi ng pamunuan ng FEU Hospital na hindi sila nanghingi ng downpayment kay Bulatao nang dalhin sa kanilang pagamutan ang kaniyang misis at lahat umano ng pasyente lalo na ang mga emergency ay kanilang tinatanggap.

Leave a Reply

%d bloggers like this: