“Trikini” magiging usong OOTD sa mga beach

“Trikini” magiging usong OOTD sa mga beach

OUT na ang two-piece bikini. Magiging “IN” ngayon ang “3-piece bikini o trikini” kung rarampa sa mga “white-sand beach”. Oooppps…hindi sa Manila Bay pero sa Boracay.

Ito ay dahil sa ipatutupad na bagong panuntuna ng Department of Tourism (DOT) sa mga turista na magtutungo sa Boracay na nakatakdang buksan na ngayon sa mga turista.

Kung ikaw ay rarampa sa mga beach, magsa-sunbathing o magmumuni-muni lamang, kailangan na palaging may suot kang face mask kasama ng gorgeous mong swimsuit.

Pero kung ikaw naman at mga barkada mo ay magsu-swimming sa dagat, syempre kailangan namang tanggalin ang face mask (kasi mukha ka namang baliw kapag sisisid ka na may face mask sa halip na snorkel).

Mahigpit na ipagbabawal rin ang pagkain at pag-inom may 30 metro ang layo sa dalampasigan. Patuloy pa rin namang ipagbabawal ang pagbibigay ng serbisyo ng mga masahista, tattoo artists at tour guides dahil sa malapitang kontak nila sa mga turista.

Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na magbibigay silang panukala sa Inter-Agency Task Force (IATF) on the Management of Emerging and Infectious Diseases para payagan na makabiyahe ang mga turista na may edad ng higit sa 60-taong gulang at mas bata sa 20-taong gulang.

Katwiran ni Puyat na karaniwang bumibiyahe ng buo ang pamilyang Pilipino para magkasama-sama. Saka, para matanggal naman ang “anxiety o depression” ng mga matatanda at bata di ba?

Dapat umano na payagan ang lahat kung magne-negatibo naman sila sa COVID-19 RT-PCR (swab) test at walang anumang sintomas na nararamdaman.

May siyam na ‘swimming areas’ na itinakda sa Boracay kung saan magiging regular ang pag-monitor ng mga awtoridad ng mga nakasuot ng face mask, pagpapatupad ng physical distancing, pagkuha ng thermal scans at pagbibigay ng impormasyon ukol sa contact tracing at iba pa.

Sinabi pa ni Puyat na nagtatrabaho sila ngayon para hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na buksan na ang kanilang mga tourist destinations sa mga turista mula sa labas ng kanilang probinsya o rehiyon at maging sa mga dayuhan.

Nabatid na bumagsak ng 75 porsyento ang pagdating ng mga dayuhang turista ngayong taon dahil sa pandemya. Apektado nito ang 4.8 milyong tourist workers na nawalan ng trabaho o kaya naman ay binawasan ng suweldo.

Leave a Reply

%d bloggers like this: