Tourist sites sa Ilocos Norte, bubuksan na rin

Tourist sites sa Ilocos Norte, bubuksan na rin

NAKATAKDA na ring buksan ang mga tourist destination sa Ilocos Norte tulad ng pamosong Windmill farm at Pagudpud White Beach sa darating na Oktubre upang mapalakas ang industriya ng turismo.

Ang Ilocos Norte ay kabilang sa mga lalawigan sa Region I at Baguio City na nakatakdang magbukas ng turismo sa Oktubre 1 sa ilalim ng Ridge to Reef program, ang travel bubble program na Department of Tourism.

Ngunit nilinaw ni Gov. Matthew Marcos Manotoc na maaari lamang makadalaw doon ang mga turista na bitbit ng mga tourist company upang makatiyak na maisasailalim sila sa COVID-19 test at negatibo sa virus.

Hindi umano papayagan na makapasok sa lalawigan ang mga turista na magbabakasyon ng biglaan o walang koordinasyon.

“In addition sa testing, ‘yung mga tours nila pre-arranged so wala pong mga spur of the moment, walang unplanned tours. Lahat po kailangang arranged at may kasamang tour guide,” saad ng gobernador.

Paliwanag niya na kakailanganin sa ngayon ang serbisyo ng mga tour guide para kontrolado ang pagbisita ng mga lokal na turista.

Ilan sa mga sikat na tourist spots sa Ilocos Norte ang Cape Bojeador Lighthouse, Saud Beach sa Pagudpud, Kapurpurawan rock formation at sand dunes.

Sa Ilocos Sur naman ay paboritong puntahan ang bayan ng Vigan dahil sa mga ancestral houses dito.

Leave a Reply

%d bloggers like this: