Bagong buwis sa 2022, pambayad sa mga inutang ngayong pandemya

Bagong buwis sa 2022, pambayad sa mga inutang ngayong pandemya

ISANG mambabatas ang nagsabi nitong Lunes na wala munang ipatutupad na bagong buwis bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 at maipatutupad lamang ito sa bagong administrasyon para may pambayad sa inutang ngayong pandemya.

Sinabi ni Albay congressman Joey Salceda na maaaring may mga bagong buwis na aaprubahan ang Kongreso ngunit ipagpapaliban ang pagpapatupad ng mga ito hanggang sa makatapos ng termino ang Pangulo sa Hulyo 2022.

“Ang patakaran po ng gobyerno sa ngayon ay wala pong bagong taxes na mai-implement between now and 2022, pero hindi ibig sabihin na hindi natin puwedeng aprubahan ang mga buwis na puwedeng mabigay ng armas,” paliwanag ni Salceda.

Nagbabala naman si Salceda sa susunod na gobyerno na hahalili sa kasalukuyang administrasyon na kailangang maging handa na harapin ang nawalang kita ng bansa dulot ng pandemya.

Ang pagpapatupad ng bagong buwis sa 2022 ay upang magawang bayaran umano ng susunod na pamahalaan ang mga utang na ginawa ngayong panahon ng pandemya.

Nitong Setyembre 18, 2020, umaabot na sa US$8.79 bilyon ang nalikom ng Department of Finance mula sa utang sa Asian Development Bank, World Bank at iba pang loan institutions para gamitin sa COVID-19 response.

“Para mabuhay ang ekonomiya, kailangan ng resources at ang resources po ay hindi libre, hindi napupulot sa kalsada, so samakatuwid kailangan mo po ‘tong hiramin, so darating ang panahon na kailangan mong bayaran,” giit ni Salceda.

Leave a Reply

%d bloggers like this: