Alabang Country Club ipinasara dahil sa golf tournament

Alabang Country Club ipinasara dahil sa golf tournament

HUMINGI ng paumanhin ang pamunuan ng Alabang Country Club sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City makaraang ipasara ng lokal na pamahalaan dahil sa bayolasyon sa ‘quarantine protocols’ nang magdaos umano ng ‘golf tournament’ nitong nakaraang Agosto.

“If there was any violation of the IATF rules on our part, we sincerely apologize and be assured that such was inadvertently done, without bad faith or malice,” ayon sa pahayag na inilabas ni Alabang Country Club board chairman Homer Perez.

Inihain ng mga tauhan ng Muntinlupa Business Permits and Licensing Office (BPLO) ang ‘closure order’ na pirmado ni Mayor Jaime Fresnedi nitong Lunes ng hapon.

Ayon sa kautusan ni Fresnedi, nakitaan ng ‘probable cause’ na lumabag ang golf club sa ipinatutupad na protocols sa kaligtasan at kalusugan sa ginanap na torneyo noong Agosto 28 at 29.

Sa pahayag naman ng Board of Directors ng golf club, iginiit nila na hindi isang regular na torneyo ang naganap ngunit isang laro lamang bilang selebrasyon sa kaarawan ng ilan nilang miyembro. Iginiit rin nila na nagpatupad naman ng ‘physical distancing’ at sumunod sa protocols ng pamahalaan ang mga lumahok.

Itinanggi rin nila na ang club ang nag-host ng palaro dahil sa hindi naman umano ito aprubado ng kanilang board.

Isa ang golf sa mga larong pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Infectious and Emerging Diseases sa ilalim ng ‘general community quarantine’. Ngunit mahigpit pa ring ipinatutupad ang mga protocols tulad ng paggamit ng sariling ‘golf equipment’ at pagbabawal sa mga torneyo.

Leave a Reply

%d bloggers like this: