Jeepney drivers, seniors pumalag sa diskriminasyon

Jeepney drivers, seniors pumalag sa diskriminasyon

HINILING ng isang grupo ng jeepney drivers at senior citizen sa Korte Suprema nitong Martes na ipawalang-bisa ang ipinatutupad na mga diskriminasyon umano sa kanila ng pamahalaan sa ilalim ng mga panuntunan sa COVID-19 response.

Sumugod at nagsumite ng magkahiwalay na petisyon ang grupong National Confederation of Transportworkers’ Union (NCTU) at ng grupong ng senior citizen na pinamumunuan ni dating National Commission of Indigenous Peoples chair Eugenio Insigne.

Hiniling ng mga jeepney drivers sa Korte na ibasura ang mga polisiya na naglilimita sa pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan na dahilan ng kanilang pagkagutom ngayong pandemya.

Ayon sa NCTU, marami sa mga tsuper ang nawalan ng kabuhayan sa pagpapatigil sa pampublikong transportasyon at umaasa sa ibibigay na ayuda ng pamahalaan. Marami sa kanila ang nagtungo na sa mga kalsada para mamalimos na lamang.

Nang payagan na makapag-operate, hindi rin umano ito naging sapat dahil sa limitadong mga ruta at bilang ng mga pampublikong sasakyan na pinayagan na makabiyahe bukod pa sa pagbabawas sa bilang ng maaaaring isakay na pasahero.

Kinuwestiyon rin nila ang tila pagpabor umano ng pamahalaan sa mga ‘modern jeepneys’ na mas binigyan ng kaluwagan sa pamamasada ngayong pandemya.

Tinawag naman ni Insigne na hindi makatao at malupit ang ipinatutupad na ‘quarantine’ sa mga senior citizen. Wala rin umano itong sapat na batayan at lumalabag sa kanilang karapatan na itinatadhana ng Konstitusyon.

Leave a Reply

%d bloggers like this: