Laptop naging bato, PNP Cybercrime kinalampag sa online selling scams

Laptop naging bato, PNP Cybercrime kinalampag sa online selling scams

NANAWAGAN si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa Philippine National Police na doblehin pa ang kanilang pagsisikap upang masolusyunan ang mga kaso ng cybercrimes.

Ito ay makaraang mabiktima ng online scam ang isang third year college student na nag-ipon upang makabili ng laptop na gagamitin niya sa online learning.

Sa hearing sa Senado sa 2021 proposed budget ng Department of the Interior and Local Government, kinuwestyon ni Revilla ang kapabilidad ng PNP sa pagresolba sa cybercrimes.

Partikular na kinuwestyon ni Revilla si PNP Chief, Police General Camilo Cascolan, kasunod ng pagtaas ng kaso ng hacking, online falsities, online violence, at online scams sa nakalipas na anim na buwan ng taon na iniuugnay sa Covid19 pandemic.

“Napakarami ngayong nabibiktima ng mga online selling scams. Napaka-seryoso nito dahil involved dito ang identity theft kung saan ninanakaw ng mga bogus seller ang identity ng ibang tao para makipag-transact, tapos maglalaho na lang at iba ang mapagbibintangan,” pahayay ni Revilla.

“Nandiyan din yung pagdating sa’yo ng binili mo, iba kaysa sa binili mo, at yung iba nga, bato ang laman ng kahon, katulad na lang nitong si Arthur Baylon,” dagdag pa ng senador.

Sa impormasyon ng senador, pinagsikapan ni Baylon na makaipon ng pera sa pamamagitan ng pangingisda at pagbebenta ng mga mahuhuling isda kasama ang kanyang ama upang makabili ng laptop.

Umorder si Baylon ng laptop sa online selling app na Lazada subalit pag-deliver sa kanya ay bato ang laman ng kahon.

“Mabuti at isinoli ng seller ang pera niya matapos siyang magsampa ng reklamo sa pulis. Nakausap ko itong bata, at umaasa ako na matunton ng pulisya ang gumawa ng kalokohan. He is just one of the many na binibiktima ngayon ng mga kawatan. The police should step-up and we in the Senate will be behind them,” diin pa ni Revilla

Leave a Reply

%d bloggers like this: