418-ektarya ng Manila Bay kakainin sa isa pang reclamation project

418-ektarya ng Manila Bay kakainin sa isa pang reclamation project

ISA na namang reclamation project ang kakain sa malaking bahagi ng Manila Bay sa darating na 2021 na layong pataasin umano ang antas ng pamumuhay sa lungsod ng Maynila.

Sinabi ng JBros Construction Corp., ang proponent ng 418-ektaryang Horizon Manila Reclamation Project na aarangkada na ang konstruksyon sa ikalawang quarter ng 2021 makaraang makakuha na sila ng mga kaukulang permit kabilang ang Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Uumpisahan ang proyekto sa tatlong isla kung saan tututok sa dalawang isla kada taon, ayon kay JBros president at CEO Jesusito Legaspi Jr.

Inaasahang aabot sa anim na taon ang reclamation saka maglalatag ng mga kalsada at iba pang imprastruktura na nilaanan ng P109 bilyon pondo.

“Touted as the biggest and first reclamation project of the City of Manila, the Horizon Manila project is envisioned to be a development that will showcase a ‘better Manila,’ with lots of parks and open spaces,” ayon sa JBros.

Sinabi ni Legaspi na hindi gagastos ang pamahalaan ng pondo para sa proyekto na inaasahan na magbibigay ng 400,000 trabaho para sa mga Pilipino.

Magkakaroon rin ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng sarili nilang ari-arian sa reclamation project na may 34-ektarya para sa anumang nais nilang ilagay na proyekto.

May 19 na reclamation project na sa Pilipinas kung saan apat nito ay sa Manila Bay. Bagama’t bahagi ng pag-unlad, malaking kuwestiyon naman dito ang pinsalang dulot sa kalikasan tulad ng epekto sa matinding pagbabaha sa Metro Manila.

Leave a Reply

%d bloggers like this: