Koleksyon sa ‘sin’ tax, bumagsak

Koleksyon sa ‘sin’ tax, bumagsak

SA gitna ng COVID 19 pandemic, bumagsak ang koleksyon ng Department of Finance (DOF) sa sin tax o mga buwis galing sa tobacco, e-cigarettes at alcohol sa unang walong buwan ng taon.

Sa datos ng DOF, hanggang noong Agosto, umabot lamang sa P140.1 billion ang sin tax na mababa ng 13 percent mula sa P161.8 billion sa kaparehong panahon noong isang taon.

Mula Enero hanggang Agosto, bumaba ang tobacco excise tax collections sa P95.7 billion mula sa P111.3 billion noong isang taon habang ang buwis mula sa alcoholic beverages ay bumaba sa P44.4 billion mula sa P50.5 billion noong isang taon.

Aminado ang DOF na apektado ang koleksyon ng ipinatupad na lockdown noong
Marso hanggang Mayo dahil sa pagtigil ng produksyon gayundin ang ipinatupad na liquor bans.

Tumaas din ang insidente ng smuggling ng mga pekeng sigarliyo ng mga nagsamantala sa pandemya.

Sa buong taon ng 2020, target ng gobyerno na makakolekta ng P203.9 billion na sin taxes na kinabibilangan ng P139.1 billion mula sa sigarilyo, P64.4 billion sa alcohol at P400 million sa e-cigarettes.

Leave a Reply

%d bloggers like this: