Videoke singers sa Barangays, ISTAP!

Videoke singers sa Barangays, ISTAP!

ISTAP muna ang pag-atungal at itabi na ang mga mikropono. Ito ay sa nakatakdang pagpapatupad ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa pagbabawal sa pagkanta sa videoke o anumang ingay ngayong lumarga na ang ‘online blended learning’ ng Department of Education (DepEd).

Ayon kasi sa PNP, makakaistorbo sa konsentrasyon ng mga batang mag-aaral ang ingay na dulot ng mga videoke singing superstars lalo na iyong sablay na ang tono ay sablay pa ang lyrics ng kinakanta.

Bukod dito, marami rin ngayon ang mga ‘work-from-home set-up’ na manggagawa na kailangan ang ‘peace and quiet’ para magampanan ang kanilang trabaho.

“Sa ngayon, we have already issued a directive sa mga tao natin lalo na sa chief of police to coordinate sa barangays. Dahil nag-umpisa na po ‘yung distance learning, mga estudyante nag-open na po. So the directive from Camp Crame is close coordination with the barangay to check na dapat hindi maingay,” ayon kay NCRPO chief Major General Debold Sinas na kamailan ay naging kontrobersyal dahil sa pagdaraos ng ‘mananita’ sa kaniyang kaarawan.

Wala pa naman umanong naiuulat na naaaresto sa ngayon ang kaniyang mga tauhan sa iba’t ibang distrito ngunit inaasahan na maipatutupad ang bagong polisiya ng mas mahigpit ngayon.

“Walang activities na malapit sa bahay para di po ma-disturb. As of now, wala pang report kung may naaresto na o wala,” dagdag ng heneral.

Una na ring hiniling ng PNP sa mga opisyal ng barangay na magpasa ng lokal na ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng videoke machines sa mga oras ng pag-aaral o trabaho para hindi makaistorbo sa mga kapitbahay.

Kasalukuyan ngayon na may mga lungsod na may ordinansa na hanggang alas-10 lang ng gabi ang paggamit ng videoke na inaasahang palalawigin pa sa ‘working at studying hours’.

Leave a Reply

%d bloggers like this: