Tablets para sa Grade 9-12, ipamimigay sa Caloocan sa Nobyembre

Tablets para sa Grade 9-12, ipamimigay sa Caloocan sa Nobyembre

UUMPISAHANG ipamigay ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang pangakong libreng tablets sa mga mag-aaral mula Grade 9 hanggang 12 sa mga pampublikong paaralan sa darating na Nobyembre.

Ito ay makaraang matapos na ang masusing ‘bidding process’ para sa supplier ng tablets na higit makatutulong sa pag-aaral ng mga estudyante sa lungsod.

Unang tiniyak ng Department of Education (DepEd) na hindi naman kailangan ng mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 8 ang mga tablets dahil sapat na umano ang ipamimigay na modules upang matutunan nila ang mga leksyon. Mayroon ding TV-based lessons ang DepEd TV na makatutulong sa pag-aaral at sa paggamit ng Self-Learning Module ng mga estudyante.

Nitong Oktubre 5, libreng ipinamigay ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Oscar Malapitan at ng DepEd-School Division Office-Caloocan ang mga modules para sa unang tatlong linggo ng ‘blended distance learning’.

Nakatakdang mag-abiso ang lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng mga susunod na modules para sa buong taong-pampaaralan sa mga susunod na araw.

Para matiyak ang tagumpay ng ‘blended learning’, pinaalalahanan ang mga guro na subaybayan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng Facebook messenger, pagtawag o pag-text para kamustahin ang kanilang mga estudyante.

Para sa mga walang gadgets o hindi marunong gumamit ng messenger, mayroon umanong mga “School Learning Clinics” ang mga paaralan para dito magkaroon ng talakayan ang mga magulang at guro sa progreso sa pag-aaral ng mga bata.

Leave a Reply

%d bloggers like this: