Mga magulang binalaan sa ‘child labor’ ngayong pandemya

Mga magulang binalaan sa ‘child labor’ ngayong pandemya

Binalaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga magulang na mahuhuling ginagamit ang mga anak para sa ‘child labor’ ngayong panahon ng pandemya na may kahaharaping kaso kaugnay ng ‘child abuse law’.

Ito ay makaraang magpahayag ng pangamba si Department of Labor and Employment (DOLE)- Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) Director Ma. Karen Trayvilla sa posibleng pagtaas sa datos ng ‘child labor’ sa Pilipinas na isa sa magiging epekto ng nararanasang kahirapan dulot ng COVID-19.

Sinabi ni Trayvilla na maaaring mapuwersa na maghanap-buhay ang mga kabataan sa halip na mag-aral dahil sa nararanasang kahirapan. Puwede ring puwersahin sila ng mga magulang o mga kaanak para makatulong na makaraos sa kanilang mga pangangailangan.

“Here comes COVID-19 and we are worried because it is possible that child labor is a negative coping mechanism to the pandemic,” ayon kay Trayvilla.

Hindi naman umano nagpapabayad ang DOLE at patuloy na hinahanap ang mga batang napupuwersang magtrabaho ngunit nagkakaroon sila ng balakid dahil sa mga panuntunan ukol sa ‘quarantine’.

Isa sa hakbang na ginagawa ng DOLE ay ang paglapit sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para mabigyan ang mga bata at ang kanilang pamilya ng angkop na tulong tulad ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan.

Nitong 2017, tinatayang nasa 2.1 milyong bata ang sangkot sa ‘child labor’ at nasa 275,000 sa kanila ang nai-profile na ng pamahalaan. Target ng ahensya na mabawasan sana ang ‘child labor’ ng 30 porsyento o 630,000 pagsapit ng taong 2022.

Leave a Reply

%d bloggers like this: