Bayad utang muna bago swab test- Gordon kay Roque

Bayad utang muna bago swab test- Gordon kay Roque

BINANATAN ni Senador at Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon si Presidential Spokesperson Harry Roque sa pahayag nitong handa silang ituloy ang COVID-19 swab testing kahit na 50% ng higit sa P1bilyong utang ng pamahalaan muna ang babayaran.

Sinabi pa ni Gordon na maging si Roque ay may utang rin sa PRC maging ang kaniyang misis sa ibinigay na RT-PCR test sa kanila.

“Ewan ko kung saan galing ‘yung 50%, ‘di ko alam ‘yang 50%. Saka si Secretary [Harry] Roque tinext namin ‘yan eh, siningil ko nga ‘yan eh, pati asawa niya. Tapos sasabihin niya, ‘Dapat mag-test na kayo.’ Anong ipangte-test namin, Secretary Roque?” giit ni Gordon.

Dahil dito, nanindigan si Gordon na dapat mabayaran muna ang higit sa P1 bilyong pagkakautang sa kanila ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) bago muli silang magbigay ng COVID-19 RT-PCR test sa mga bumabalik na overseas Filipino workers (OFWs).

“They should pay the whole amount because nakabitin kami. Tingnan mo ha, babayad ka ng kalahati, kalahating bilyon ang utang. Papalakahin na naman, eh ‘di ninenerbiyos kaming lahat. Huwag naman,” ayon kay Gordon sa isang pulong balitaan.

Malinaw umano ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bayaran na ang utang ngunit nagtataka siya kung bakit hindi pa rin ito naisasagawa ng PhilHealth na unang nangatwiran na may inaayos lamang sa mga proseso mula nang mapalitan ang matataas nilang opisyal.

Sinabi ng PRC na aabot na sa P1,014,975,500.00 ang utang ng PhilHealth sa kanila nitong October 13. Nasa P930,993,000.00 naman ang ‘overdue’.

Leave a Reply

%d bloggers like this: