Bakawan at ilog sa Cavite, iligal na tinabunan ng reclamation project

Bakawan at ilog sa Cavite, iligal na tinabunan ng reclamation project

Pinutol ang daloy ng ilog at sinira ang mga dekada nang mga bakawan.  Ito ang ginawa ng isang kumpanya na pasimuno ng iligal na reclamation sa Kawit, Cavite na sinalakay ng mga tauhan ng Environmental Crime Division ng National Bureau of Investigation (NBI).

Tatlong suspek na nag-ooperate ng mga heavy equipments sa Ylang-Ylang river sa bayan ng Kawit ang dinakip ng NBI. Hindi rin muna pinangalanan ng NBI ang kumpanya na nag-ooperate ng naturang reclamation.

Sinabi ni Atty. Eric Nuqui, hepe ng NBI-Environmental Crime Division, na natuklasan nila na walang permit mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang kompanyang nasa likod ng reclamation project.

Sa larawan na kuha pa noong 2016 na ibinahagi sa NBI ng mga residente ng lugar, malaya pa ang pagdaloy ng tubig sa Ylang-Ylang River at malalago ang mga bakawan. Ngunit sa aerial drone shot, makikita na halos isang ektarya ng bakawan ang nasira at tinabunan na ang ilog ng lupa.

Ayon sa ahensya, maaaring maging masama ang epekto ng pagtabon sa ilog partikular ang pagbaha sa Kawit at mga karatig-bayan dahil sa wala nang pupuntahan ang tubig habang ang bakawan naman ay ang unang depensa ng mga pamayanan laban sa malalakas na bagyo at daluyong ng tubig.

Hawak ngayon ng NBI ang mga heavy equipments habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga naaresto at mga nasa likod ng iligal na reclamation.

Leave a Reply

%d bloggers like this: