Ayuda ng gobyerno, bago mag-Pasko

Ayuda ng gobyerno, bago mag-Pasko

Makapagbibigay umano ang Department of Labor and Employment (DOLE) ‘cash aid’ para sa mga manggagawa na nawalan ng hanapbuhay bago sumapit ang Kapaskuhan.

Nangako mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte si Secretary Silvestre Bello III na maibibigay ang lahat ng tulong-pinansyal sa Nobyembre 20 at hindi na paaabutin ang panahon ng Kapaskuhan.

Kabilang dito ang mga nasa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at COVID Adjustment Measures Program (CAMP) na hindi pa nabibigyan ng kanilang sahod o ayuda.

Tatakbo umano ang payout mula Nobyembre 15 hanggang Nobyembre 20 at tututok sa mga lugar na tinamaan ng bagyo tulad ng sa Region 5, Calabarzon at Mimaropa.

Nabatid sa DOLE na halos kalahating milyon manggagawa sa ilalim ng TUPAD ang hindi pa nabigyan ng kanilang pera dahil sa kakapusan sa pondo. Ngunit dahil sa bagong pondo sa ilalim ng Bayanihan Act 2, ipaprayoridad umano ang mga manggagawang ito para makuha na nila ang kanilang pera.

Sa ilalim naman ng CAMP, bibigyan ng P5,000 cash assistance ang mga manggagawa mula sa maliliit na kumpanya na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Isasama na rin dito ang mga nasa pampublikong edukasyon maging mga nawalan ng trabaho sa sektor ng turismo.

Nitong Oktubre 15, nakapagpalabas na ang DOLE ng P1.59 bilyon para sa TUPAD at P3.31 bilyon para sa CAMP.

Leave a Reply

%d bloggers like this: