MAY FOREVER ‘TANDER’ COUPLES, TAMPOK SA VDAY CONTEST SA KANKALOO

MAY FOREVER ‘TANDER’ COUPLES, TAMPOK SA VDAY CONTEST SA KANKALOO

SENIOR citizen couple na magkaholding hands pa rin? Naglalambing at magkayakap?

Hindi ba’t lahat ng umiibig ay ito ang pangarap? ‘Yung sinasabing ‘may forever’ o ‘road to forever’.

Aba, kung forever rin lang sa lovelife ang hanap natin, wala na sigurong tatalong sa limang ‘tander couples’ na napiling itampok ang love story sa Valentine’s Day Blog Making Contest ni Coun. Vince Hernandez sa Caloocan City.

Tiyak nating lahat ng makakabasa sa love story ng lima nating lolo at lola ay mapapabigkas ng ‘hay kainggit naman’ kapag nabasa ang kanilang mga kwento.

Tunay nga na kapag may pag-ibig sa puso, kasunod na nito ang katatagan, pagsisikap at pagsasakripisyo upang kayanin ang lahat ng pagsubok sa buhay.

Silipin natin ang buod ng kwento ng limang lolo at lola na nananatiling magkasama sa loob ng mahigit apat na dekada ng kanilang buhay mag-asawa.

Una ay sina Lolo Joe at Lola Dorry na halos 60 taon nang kasal at patuloy na matatag ang pagsasama sa biyaya ng limang anak, 11 apo at  anim na apo sa tuhod.

Batay sa kwento ng kanilang anak, malaking bahagi ng kanilang pagsasama ang paglilingkod sa Diyos dahil isang lector/commentator si Lola Dorry at nahikayat si Lolo Joe na magsimba sa St. Paul of the Cross Parish kahit isa itong protestante at kinalaunan ay naglingkod na rin sa simbahan.

Naging malaking hamon din sa pagsasama ng dalawa ang pagkawala ng paningin ni Lolo Joe dahil sa glaucoma. Pero dahil sa tatag ng pag-iibigan ng dalawa, nagsilbing mata ni Lolo Joe si Lola Dorry at nito lamang January 14 ay nagdiwang na sila ng 54th Wedding anniversary. Sabi nga ng kanilang anak, THROUGH THE YEARS, MAY FOREVER.

Tampok din sa Valentine’s Day Special Treat ang halos pitong dekadang pagmamahalan nina Lolo Emong at Lola Carmelita na biniyayaan ng apat na anak, 12 apo at 12 apo sa tuhod.

Ang kwento nila ang tipong ‘harangan man ng sibat ay di paaawat’ dahil kahit ilang beses pa silang pinagtangkaang paghiwalayin ng mga magulang ni Lola Carmelita ay sadya nilang pinatunayan na walang makakapigil sa kanilang pagmamahalan.

Kaya naman ngayon kahit pitong dekada na ang kanilang pagsasama at may mga edad na, hindi pa rin nawawala ang sweetness sa isa’t isa at madalas pa rin silang nagkikitang naghoholding hands at naglalambingan. Ito ang pagsasama na mapapa-SANA ALL ka talaga.

Mahigit limang dekada naman na ang pagmamahalan nina Lolo Eli at Lola Gemma na pinagkalooban ng limang anak, anim na apo at dalawang apo sa tuhod.

Pinatunayan nina Lolo Eli at Lola Gemma na sila ay magsasama sa hirap at ginhawa.

Sinimulan nila ang pagsasama sa pakikipagsapalaran sa hamon ng buhay mula sa lalawigan ng Cebu at nagtungong Metro Manila upang hanapin ang kanilang kapalaran.

Sa gitna ng kanilang pagsisikap, matagumpay nilang napagtapos ng pag-aaral ang limang anak na pawang mga professional na ngayon at sinusuklian naman ang kanilang pagmamahal at pagsasakrispisyo.

Ang samahan nina Lola Eli at Lola Gemma ay patunay na walang hirap na makapagpapahiwalay sa dalawang pusong nagmamahalan.

Mahigit pitong dekadang pagmamahalan naman ang handog nina Lolo Tonyo at Lola Orang na biniyayaan ng 12 anak bagama’t lima sa mga ito ay pumanaw na.

Ilang beses mang nagpalipat-lipat ng lugar sina Lolo Tonyo at Lola Orang ay hindi nila alintana ang mga hamon sa buhay kasama na ang pakikipaglaban para sa kanilang lupang tinitirhan.

Pinatunayan ng isa pa nating ‘tander couple’ na ang wagas na pagmamahalan ay mamayani sa anumang hadlang na inihaharang sa kanilang daanan.

At ang ating huling tampok ay ang pagmamahalan nina Lolo Lilis at Lola Nida na 12 taon ang pagitan ng edad at pinatatag ng hamon ng buhay sa loob ng halos limang dekada.

Sa pagtaguyod sa tatlo nilang anak ay pilit na pinag-aralan nina Lolo Lilis at Lola Nida ang iba pang kakayahan para mabuhay dito sa Metro Manila mula sa pagiging mangingisda at magsasaka sa kanilang lalawigan.

At ngayon na matagumpay nilang naitaguyod ang mga anak, hindi nawawala ang bakas ng pagmamahalan nila na kahit may edad na ay parang mga teenager na nag-aasaran at naglalambingan sa isa’t isa.

Ngayong buwan ng mga puso, at sa gitna ng bawat pagsubok sa buhay, nawa’y alalahanin nating lahat na wala nang ibang mas makapangyarihan pa upang malagpasan ang lahat ng hirap kundi ang pagmamahalan.

Maraming salamat kay Konsi Vince at naisipan ang Blog Making Contest na tunay na makapagpapasaya sa mga tampok na ‘tander couple’ at makakapag-inspire sa iba pang magsing-irog ng makabagong panahon.

Ang limang tander couple natij ay bibigyan ng bigtime blowout ni Coun. Vince sa Linggo, February 14 kasama ang kanilang pamilya.

Leave a Reply

%d bloggers like this: