Gobyerno dapat magtayo rin ng cell towers- NTC

Gobyerno dapat magtayo rin ng cell towers- NTC

Hiniling ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pamahalaan na maglaan rin ng pondo para sa pagpapatayo ng mga imprastruktura para sa ‘information and communications technology’ para mas lalong mapabilis ang pagpapataas sa serbisyo ng mga telcos.

Sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na dapat sundan ng Pilipinas ang maraming bansa sa Asya na gumagastos ng bilyon-bilyong dolyar para sa kanilang ICT infrastructure.

Sa naturang mga bansa, ang mga telcos pa umano ang rumerenta sa gobyerno ng mga signal towers at iba pang pasilidad hindi gaya sa Pilipinas na lahat ng telco infrastructure ay pribadong pag-aari.

Dahil sa paglalaan ng pondo sa ICT infrastructure ng mga kapitbahay na bansa sa Asya ay naging mataas ang internet speed para sa kanilang mga mamamayan na nagdudulot rin ng pag-unlad dahil sa maayos na pagnenegosyo.

Halimbawa na lamang ayon kay Cordoba ang South Korea na gumastos ng $24 billion, Vietnam – $820 million, Thailand – $343 million at China – $289 billion, na lahat ay government-funded.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Cordoba sa publiko na magpapatuloy pa rin ang pagtaas sa serbisyo ng mga telcos sa bansa ngayong unang quarter ng 2021 dahil sa mas maraming ICT infrastructure na ang naipatayo bunsod ng mas maluwag na pagbibigay ng permits ng mga lokal na pamahalaan.

Leave a Reply

%d bloggers like this: