Cyberlibel case isinampa sa limang konsehal sa Caloocan

Cyberlibel case isinampa sa limang konsehal sa Caloocan

Lalong uminit ang politika sa Caloocan City makaraang maghain si Mayor Oca Malapitan ng kasong cyber-libel sa limang miyembro ng Caloocan City Council dahil sa umano’y paulit ulit na malisyosong pagkutya sa kaniyang proyekto sa pamimigay ng digital tablet para sa mga pampublikong mag aaral ng Grade 9-12.

Isinampa ni Mayor Oca ang reklamo sa Caloocan City Prosecutor’s Office kung saan tinawag niyang ‘fake news’ ang mga impormasyon mula kina Konsehal Rose Mercado, Carding Bagus, Alex Mangasar, Alou Nubla at PJ Malonzo na lumabas sa mga social media accounts.

“Kung ako lamang ang sinisiraan ng aking mga kalaban sa pulitika ay maliit na bagay iyan. Sanay na tayo sa mapanirang puring mga kalaban sa pulitika. Ngunit, ang malisyosong sirain ang isang makabuluhang proyekto ng syudad para makatulong sa edukasyon at pag aaral ng mga batang taga Caloocan sa panahon ng pandemya ay hinding hindi ko papayagan,” ayon sa alkalde.

“Ang programang pamamahagi ng digital tablets ay sumailalim sa masusing ‘bidding’ at ating tiniyak na tama at maayos ang lahat ng digital tablets na binili ng pamahalaang panglungsod ng Caloocan,” giit ni Malapitan.

Kampante ang alkalde na madali niyang mapapatunayan sa korte na maayos at malinaw ang naging proseso sa pagkuha ng tablets, kontra sa alegasyon ng mga konsehal.

Nag-ugat ang isyu matapos maglabas ng video sa social media ang limang konsehal, kung saan pinalalabas umano nila na mas mababang klase ang binili ng Pamahalaang Lungsod na 4G at LTE capable tablets kumpara sa isang model na 3G capable digital tablet lang, na ayon sa kanila ay siyang dapat binili para sa mga mag-aaral ng lungsod.

Tayo ay nagsampa na ng habla laban sa mga indibidwal na walang awang ginagamit ang panahon ng pandemya para sa political mileage. Korte na ang huhusga at magpapataw ng hustisya,” dagdag pa ng alkalde.

Leave a Reply

%d bloggers like this: