Vaccination program sa Caloocan, umariba na rin

Vaccination program sa Caloocan, umariba na rin

Nag-umpisa na rin ang ‘vaccination program’ sa lungsod ng Caloocan kung saan inuna nitong Biyernes ang mga medical frontliners ng Caloocan City Medical Center (CCMC) na maturukan ng Sinovac vaccine.

Personal na dinaluhan ni Mayor Oca Malapitan kasama si Senator Francis Tolentino ang pagsisimula ng vaccination rollout upang bigyang kumpiyansa ang mga magpapabakunang health workers.

Upang mahikayat ang iba pang mga medical staff, nagboluntaryong unang magpabakuna ng Sinovac vaccine si CCMC Administrator Dr. Fernando Santos at Caloocan City Health Officer Dra. Evelyn Cuevas. Sila ay kaagad na sumailalim sa monitoring at sa kasalukuyan ay wala naman nararamdamang adverse effects.

Sinabi ni Dr. Santos na sa kabuuang 457 hospital staff, nasa 149 sa kanila ang pumayag na magpabakuna ng Sinovac vaccine. Subalit inaasahan nila na madadagdagan pa ito at magagamit lahat ang paunang 300 doses ng bakuna mula sa Department of Health.

“Ito ang mabisang solusyon para muli tayong makabangon sa pandemyang ito na labis na nakaapekto sa ating pamumuhay. Magpabakuna po tayo para sa proteksyon natin at ng ating mga mahal sa buhay,” ani Mayor Malapitan.

Ang CCMC ay isa sa dalawang ospital na pinopondohan at pinapatakbo ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan. Ang isa ay ang Caloocan City North Medical Center na inaasahang nakatakda na ring simulan ang vaccination rollout sa mga susunod na linggo.

Leave a Reply

%d bloggers like this: