‘Frontliners Day’ sa Caloocan, aprubado na

‘Frontliners Day’ sa Caloocan, aprubado na

Aprubado na ni Mayor Oca Malapitan ang Ordinance No. 0911 S. 2021 o ang ordinansang nagdedeklara tuwing Marso 15 ng taon bilang Frontliners’ Day sa lungsod ng Caloocan.

Ayon kay Councilor Vince Hernandez, ang pangunahing may-akda ng ordinansa at siya ring Pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation ng lungsod, layunin ng ordinansa na bigyang pagkilala ang mga sakripisyo at serbisyo nang magigiting na frontliners, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programa at aktibidad sa natatanging araw.

Kabilang sa mga frontliner na nakapaloob sa ordinansa ay ang mga medical healthworker, essential workers tulad ng iba pang hospital staff, pharmacists, drug store attendants, baranggay officials and employees, social workers at tanod, police at military personnel, security guards, traffic enforcers, supermarket store staff, market vendors, service crews, delivery riders, city government officials and employees, emergency response personnel, at iba pang may mahalagang papel sa laban kontra Covid-19.

“Karapat-dapat at napapanahon ang ordinansang ito sapagkat isa itong magandang paraan upang maiparamdam natin sa ating mga frontliner na tayo ay taos-pusong nagpapasalamat sa kanilang kabayanihan sa panahon ng pandemya,” pahayag ni Mayor Oca.

Nakasaad din sa ordinansang ito kung saan co-author sina Coun. Enteng Malapitan at Coun. Edgardo Aruelo, ang pagbuo ng program committee mula sa mga kinatawan ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation, City Health Department, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Cultural Affairs and Tourism Office, Business Permit and Licensing Office, Barangay Secretariat, at City Youth Development Office.

Pangunahing tungkulin ng komite ang bumuo ng plano, maghanda at ipatupad ang lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa Frontliners’ Day Celebration.

Inaasahan na sa sa darating na Lunes, Marso 15, 2021 ay magkakaroon ng makasaysayang paggunita sa unang taon ng selebrasyon ng Frontliners’ Day sa Caloocan.

Inaanyayahan din ang mga mamamayan na makiisa sa dalawang minutong “noise barrage” mula 12:00 hanggang 12:02 ng tanghali sa Marso 15 bilang pakikiisa sa paggunita ng Frontliners Day.

Leave a Reply

%d bloggers like this: