πŒπ†π€ 𝐁𝐀𝐓𝐀, 𝐇𝐔𝐖𝐀𝐆 π‡π€π˜π€π€ππ† πŒπ€π†π”π“πŽπŒ 𝐒𝐀 ππ€ππƒπ„πŒπ˜π€ – ππŽπ„

πŒπ†π€ 𝐁𝐀𝐓𝐀, 𝐇𝐔𝐖𝐀𝐆 π‡π€π˜π€π€ππ† πŒπ€π†π”π“πŽπŒ 𝐒𝐀 ππ€ππƒπ„πŒπ˜π€ – ππŽπ„

HINIMOK ni Senador Grace Poe ang Inter-Agency Task Force on Zero Hunger na paigtingin ang kanilang pagkilos sa gitna ng pandemya upang maiwasang dumanas ng gutom at malnutrisyon ang mga batang Pinoy.

Binigyang-diin ni Poe na kailangan ng pagtutulungan ng bawat komunidad sa pagtugon sa problema ng malnutrisyon, sa pangunguna at suporta ng buong gobyerno.

β€œReyalidad ang kagutuman sa pandemya at ang mga batang kabilang sa mahihirap na pamilya ang pinakamatinding naapektuhan. Sa pagsirit ng presyo ng baboy, manok at isda, tiyak ang malnutrisyon sa mga bata, maliban na lamang kung tutugunan natin ito upang maiwasan,” saad ni Poe.

Sa pag-aaral, sinabi ng World Bank na nangyayari na ang acute malnutrition o napipinsala na ang mga batang Pilipinong mahihirap at higit na apektado nito ang murang katawan nila na ang epekto ay matutunghayan pa lamang sa mga susunod na taon.

β€œKapakanan ng tao ang dapat laging pangunahing layunin ng pamahalaan, lalo na ang pagkalinga sa ating mga musmos para di sila mapag-iwanan,” paalala ni Poe.

Sinabi ng senadora na lubhang naapektuhan ang pinakabulnerableng populasyon, partikular ang mahihirap na bata, sa mga hamon ng distribusyon ng ayudang salapi at kawalan ng sapat na pagkukunan ng pagkakakitaan sa kaigtingan ng lockdown.

β€œSa gitna ng pagtiyak ng pamahalaan na panatilihin ang pag-angat at pagbalikwas ng ekonomiya, tila walang sapat na atensiyon sa epekto ng pandemya sa mahihirap na bata at kanilang nutrisyon,” ayon kay Poe.

Inihayag ng World Bank na kahirapan ang isa sa pinaka-importanteng sanhi ng undernutrition at apat mula sa 10 bata sa mahihirap na pamilya ang nabansot.

β€œKailangan ng bawat bata sa mahihirap na pamilya ang lahat ng ating tulong at suporta. Ang pagtugon sa kanilang nutrisyon ay ating tiyakin,” saad ni Poe, may akda ng Masustansiyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.

Leave a Reply

%d bloggers like this: