ILANG DOKUMENTO SA KORAPSYON, IPINAKITA NI PACMAN

ILANG DOKUMENTO SA KORAPSYON, IPINAKITA NI PACMAN

IBINUNYAG ni Senador Manny Pacquiao na nasa P10.4 bilyon pa ang pondo para sa Special Amelioration Program ang hindi pa naipamamahagi ng kumpanyang ginamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa distribusyon ng ayuda.
Sa presscon nitong Sabado, kinuwestyon ni Pacquiao ang pag-tap ng DSWD sa Star Pay App para sa pamamahagi ng ayuda sa may 1.8 milyong benepisyaryo ng SAP.
“Sa gitna ng pandemya ay bilyung-bilyong halaga ang pondo na inutang ng pamahalaan na inilaan para sa ayuda ng ating mga kababayan na nawalan ng kabuhayan,” pahayag ni Pacman. 
“Naglaan po ang ating gobyerno ng P207.6 billion para sa pangalawang SAP. Mr. President, alam nyo po ba na sa kabuuang halaga na ito ay may inilaan na P50 bilyon more or less, ang DSWD para lamang sa isang hindi kilalang APP na StarPay na may paid up capital lamang po na P62,000,” dagdag ng senador. 
“Ito ngayon ang problema, sa 1.8 milyon  na binigyan ng SAP mula sa Star Pay ay 500,000 lamang po na katao ang nadownload nito,” diin ng senador. 
Bukod dito, kinuwestyon din ni Pacquiao ang pagkuha naman ng Department of Energy sa isa pang kumpanya para sa suplay ng kuryente.
“At ito pa po, alam nyo rin po ba sa DOE yung kilowatt hour na binabayaran sa kuryente, may halos kalahating sentimo ang napupunta sa isang pribadong kumpanya na itinayo sa pamamagitan lang ng P7,000 na paid capital. Bilyun-bilyon ang halaga na nakakamal ng Independent electricity market operators of the Philippines o IEMOP,” diin ni Pacquiao.
“Hirap na hirap ang ating mga kababayan sa taas ng mga bilihin, samantalang nagpapasarap naman ang mga taong nasa likod ng IEMOP,” dagdag pa nito.
Sa Department of Health, kinuwestyon ni Pacquiao ang pagbili ng ahensya ng mga gamot na malapit nang ma-expire.
“Sa DOH naman po, marami pong issue dito, unang una po dyan bumibili ito ng malapit na magexpire na mga gamot. Ang mga gamot na ito ay binili sa regular price samantalang dapat bagsak na ang presyo nito. Ang masaklap hindi na ito napapakinabangan ng mga kababayan natin dahil inaabot na ito ng expiration,” diin ni Pacman.
Sinabi ng mambabatas na paiimbestigahan niya sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga katiwaliang kanyang natuklasan at isusumite rin sa executive department ang lahat ng dokumento.

Leave a Reply

%d bloggers like this: