TROLL FARMS, PINAIIMBESTIGAHAN

TROLL FARMS, PINAIIMBESTIGAHAN

NAIS ng 12 senador na imbestigahan ng Senado ang impormasyon na nagagamit ang public funds sa operasyon ng troll farms na nagpapakalat ng fake news at misinformation sa social media.

Nilagdaan nina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, at Senators Nancy Binay, Leila de Lima, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Emmanuel Pacquiao, Francis Pangilinan, Grace Poe at Joel Villanueva ang Senate Resolution 768 na humihiling sa kumite sa Senado na magsagawa ng pagsisiyasat sa umano’y state-backed and state-funded spreaders ng mga pekeng impormasyon na nakakaapekto sa milyung-milyong Pinoy.

“Filipinos should know why government spends public funds on troll farm operators disguised as ‘public relations practitioners’ and ‘social media consultants’ who sow fake news rather than on Covid-19 assistance, health care, food security, jobs protection, education, among others,” saad sa resolution.

Iginiit ni Pangilinan na malaki rin ang negatibong epekto sa kampanya ng bansa kontra COVID 19 pandemic.

“Hindi natin pwedeng hayaang ginagamit ang pera ng taumbayan para manira at mang-harass ng mga taong pumupuna sa gobyerno. Masama ito sa demokrasya, lalo na sa papalapit na halalan sa susunod na taon,” diin ni Pangilinan.

Sinabi naman ni Villanueva na maituturing na weapons of mass distraction ang mga organized trolls dahil nagtatanim sila ng binhi ng kasinungalingan na nahihinog at inaani ng mga nalinlang sa akala nila ay katotohanan.

Umaapela rin ang senador sa lahat na kondenahin ang mga troll farms at magtulong-tulong upang mabuwag ang mga ito.

Inilalarawan sa resolution ang isang social media troll bilang taong naghahasik ng hindi pagkakaunawaan sa mga plataporma tulad ng Twitter, Facebook, at Reddit sa pamamagitan ng pag-post ng mga mensaheng kontrobersyal na naghihikayat sa ibang tao na magbigay ng emosyonal na tugon.

Layunin ng resolusyon na alamin kung totoo nga ba ang mga balitang ginagamit ang pondo ng taumbayan para sa mga operator ng troll farm, imbis na gastusan na lamang ang mga programa para sa COVID-19 assistance, healthcare, food security, jobs protection, education, at iba pa.

Leave a Reply

%d bloggers like this: