DOLE, KINALAMPAG SA KAPAKANAN NG MGA FOOD DELIVERY RIDERS

DOLE, KINALAMPAG SA KAPAKANAN NG MGA FOOD DELIVERY RIDERS

Kinalampag ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Labor and Employment (DOLE) para imbestigahan ang reklamo ng mga food delivery riders hinggil sa pang-aabuso at pagmamalabis ng  mga mobile app operators.

“Nananawagan ako sa DOLE na aksyunan agad ang hinaing ng ating delivery riders na nakararanas ng panggigipit sa mobile app operators. Bawat araw na sila ay nababalahaw ay katumbas ng isang araw na wala silang maiuuwing kita sa kanilang pamilya,” sabi ng senador.

Ang panawagan ni Hontriveros ay kasunod ng pagsuspende ng food delivery app Food Panda sa nasa 500 accredited riders sa Davao City matapos lumahok sa unity ride at sumuporta sa iba pang riders na nagserbisyo sa loob ng 10-taon na nauna nang nasuspende.

Inirereklamo ng nasabing grupo ang fare adjustment na ipinatupad ng Food Panda dahilan upang mabawasan ang kita ng mga ito.

Giit ni Hontiveros, dapat na kumilos ang DOLE at tingnan ang working conditions ng mga Davao City food panda riders dahil sa malaking tulong na ginagampanan ng mga ito sa panahon ng pandemya.

“Hindi man itinuturing sa ngayon na empleyado ang mga delivery riders, sila ay mga manggagawa na naghahanapbuhay at tumutulong hindi lang sa kanilang pamilya kundi sa ekonomiya. Hangga’t walang inilalabas na guidelines ang DOLE o hindi sila namamagitan ay walang mangyayari,” paliwanag ng senador.

Leave a Reply

%d bloggers like this: