HONTIVEROS: MAG-INGAT SA CHINESE CYBER-ESPIONAGE SA 2022 ELECTIONS

HONTIVEROS: MAG-INGAT SA CHINESE CYBER-ESPIONAGE SA 2022 ELECTIONS

NABABAHALA si Senador Risa Hontiveros na  maaaring maimpluwensyahan ng gobyerno ng Tsina ang 2022 national elections sa pamamagitan ng mga cyberespionage campaign laban sa Pilipinas.

“Hindi na ako magugulat kung makialam sa ating eleksyon ang Tsina. Klaro namang gagawin nila ang lahat para maangkin ng tuluyan ang ating mga karagatan at teritoryo sa West Philippine Sea, at kasama na dito ang pagtatalaga ng lider na hindi kokontra sa utos nila. Ang mga kampanya sa cyberwarfare at disinformation ng Tsina ay magiging isa sa pinakamalaking banta sa ating pambansang seguridad at sa ating demokrasya,” sabi ni Hontiveros.

Nagbabala pa ang senadora na matapos maglabas ng report ang cybersecurity firm na Kaspersky na mayroong isang “rare, wide-scale advanced persistent threat” ng mga Chinese “actors” na nagtitipon ng geopolitical at economic intelligence sa Asya at Africa.

Aniya, ayon pa sa report, ang 1,400 na users sa Pilipinas, kabilang na ang mga entity ng gobyerno, ay nabiktima ng mga spear-phishing emails na naglalaman ng mga malisyosong dokumento.

“Modus din ang paggaya kunwari sa mga app tulad ng Zoom na kadalasang ginagamit sa mga pagpupulong at mga klase sa online ngayong pandemya. Hindi namamalayan ng user, kinukuha na pala ang data niya. Hindi rin ito ang unang beses nai-report na may mga cyberespionage atake laban sa Pilipinas na di umano ay mula sa Tsina. Dapat may mga polisiya at paghahanda na tayo sa tuluy-tuloy na pangingialam ng Tsina dahil mahaba-habang laban ito. Hindi tumitigil ang Tsina sa panghihimasok kaya dapat hindi rin tayo tumitigil sa pagpalayas,” paliwanag pa ni Hontiveros.

Kaya naman, hinimok ni Hontiveros ang Department of National Defense at ang Department of Information and Communications Technology na tingnan agad ang mga ulat ng Kaspersky.

Sinabi ng senadora na ang mga ahensya ay dapat ding maglabas ng mga protokol para sa bawat Pinoy internet user laban sa cyberintrusions ng China.

“Dapat palakasin ng DND at DICT ang ating cyberdefense framework, at dapat magkaroon din ng kamalayan ang Filipino users kung paano natin mapoprotektahan ang ating sarili mula sa cyberattacks. Walang respeto sa ating soberanya ang Tsina kaya tayo mismo sa Pilipinas ay dapat maging mapagbantay. Tulong-tulong nating siguraduhin na ang interes at kapakanan ng Pilipinas ay napapanindigan,” pagtatapos ni Hontiveros.

Leave a Reply

%d bloggers like this: