KAKAYAHAN NG MGA ESTUDYANTE SA MATH AT SCIENCE, IANGAT

KAKAYAHAN NG MGA ESTUDYANTE SA MATH AT SCIENCE, IANGAT

NANINIDIGAN si Senador Sherwin Gatchalian na sa sa pagsulong ng inobasyon sa “new normal” at pagbagon ng bansa mula sa pinsala ng COVID-19 pandemic, dapat maging prayoridad ang pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa math at science.

Binigyang-diin ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na ang kakayahan ng mga mag-aaral sa math at science ay pundasyon sa inobasyon na mahalagang aspeto sa pagbangon ng bansa mula sa pangkalusugang krisis at paghahanda para sa anumang krisis na susuungin pa ng bansa sa hinaharap.

Bagama’t kasalukuyang nirerepaso ng Department of Education (DepEd) ang K to 12 curriculum, iginiit ni ni Gatchalian na kailangan ding iangat ang kalidad ng mga guro at i-resolba ang mga isyu sa “spiral progression approach” na mandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533).

Sa ilalim ng spiral progression approach, maraming mga paksa at konsepto ang inaaral ng mga estudyante kaya naman nagiging mabigat ang nilalaman ng curriculum o congested.

Para sa ilan, hamon ang tinatawag na congested curriculum para makapagturo ng mas malalim ang mga guro at makapag focus ang mga mag-aaral sa mga core academic subjects, tulad na lang ng math at science.

Sa workshop na inorganisa ni Gatchalian sa tulong ng non-government organization na Synergeia Foundation, lumalabas na kakaunti o kaya ay walang guro ang sanay na ituro ang lahat ng sangay ng isang subject.

Isinusulong ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act upang i-angat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro.

Sa ilalim ng naturang panukala, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) upang maging mas maigting ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC).

Ito ay upang maging magkaugnay ang edukasyon at pagsasanay ng mga guro mula sa kolehiyo hanggang sa sila ay sumabak na sa kanilang propesyon.

Leave a Reply

%d bloggers like this: