HUWAG MAGING PASAWAY – GO

HUWAG MAGING PASAWAY – GO

NANAWAGAN si Senador Christopher “Bong” Go sa taumbayan na huwag magpasaway at mahigpit na sumunod sa itinatakdang minimum health and safety protocols upang makaiwas na kumalat ang Delta variant sa buong bansa.

Ayon sa senador hindi dapat balewalain ng publiko ang Delta variant dahil sa mas delikado at nakamamatay ito base na rin sa nangyayari ngayon sa bansang Indonesia na epicenter na ng pandemya sa buong Asya.

“Itong Delta variant, delikado po talaga ito. Since meron na pong local cases, ‘wag na nating hintayin na magkaroon ng local transmission. Posible po ang local transmission kasi local cases meron pong nahawa. Ayaw natin mangyari na magiging out of control na po tulad ng nangyari sa Indonesia,” sabi pa ng senador.

“Tignan n’yo po ang nangyari sa bansang Indonesia, tumaas ang kaso dahil mabilis po ang pagkahawa nitong Delta variant. Four times more contagious, 40 to 60 percent po na nakakahawa than any other variant. Importante po dito, huwag tayong magkumpiyansa. Kailangan po disiplina ng bawat Pilipino,” dagdag pa nito.

Nabatid na sinabi ng Department of Health na walong kumpirmadong kaso na ng COVID-19 Delta variant kabilang ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs), mula sa Misamis Oriental, at four sa Cagayan de Oro at isa naman sa Maynila.

Apela pa ni Go, kailangan ang patuloy na disiplina at kooperasyon mula sa lahat ng Pilipino pagdating sa pagsunod sa health and safety regulations anuman ang community’s quarantine status sa kanilang lugar.

 “Uulitin ko, disiplina ng bawat Pilipino, kooperasyon ng bawat Pilipino, at huwag maging kumpyansa. Bagama’t bakunado na kayo, ‘di ibig sabihin pwede na kayong hindi sumunod sa mga health protocol dahil maaaring ang katabi n’yo ay hindi pa nababakunahan at maaaring sila po ang mahawaan ng Delta variant at ‘di na natin makontrol,” babala pa ni Go.

Aniya, hindi na kakayanin pa ng pamahalaan na bumalik sa dating paghihigpit sa community quarantine dahil marami nang naghihirap na Filipino dahil sa epekto ng virus.

Leave a Reply

%d bloggers like this: