MOBILE NUMBER PORTABILITY ACT, MAIPATUTUPAD NA

MOBILE NUMBER PORTABILITY ACT, MAIPATUTUPAD NA

TINIYAK ni Senador Sherwin Gatchalian na maipatutupad na ang Mobile Number Portability Act (MNPA), dalawang taon matapos itong aprubahan.
Sa ilalim ng batas, pinapayagan na ang mga mobile phone subscribers na panatilihin ang kasalukuyang gamit na cellphone numbers kahit na magpalit o lumipat sila sa ibang network providers.
Naging hamon sa tatlong malalaking telecommunications companies sa bansa ang proseso ng “interoperability” kaya kamakailan lamang nila nakumpleto ang technical initial test. 
Sinabi ni Gatchalian na dapat tuparin ng telcos ang pangako nilang implementasyon ng mobile number portability sa Setyembre 30 ng taon.
Bukod sa pagpapanatili ng cellphone numbers kahit na magpalipat-lipat ng network provider, tinitiyak din sa batas na wala nang babayarang interconnection fees kung tatawag or magte-text sa ibang service providers.
“Malaking kaginhawaan ito lalo na sa mga gustong magpalit ng service provider para sa mas maayos na serbisyo pero ayaw bitawan ang kanilang mobile subscriber number. Malaking abala para sa iba ang pagpapalit ng kanilang numero lalo na kung matagal na nilang gamit ito,” saad ni Gatchalian na pangunahing may akda at sponsor ng Republic Act No. 11202.
“Mas mainam na mayroong malayang kompetisyon sa pagitan ng telcos upang sa kalaunan ay bumaba ang presyo at mapabuti ang kanilang serbisyo. Tandaan natin na ang cellphone number ay mistulang nagsisilbi na rin na digital identity ng isang tao sa ngayon,” dagdag pa ng senador.
Nauna nang kinalampag ni Gatchalian ang mga telco dahil sa pagkaantala ng implementasyon ng MNPA noong Enero 2020 matapos ipalabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) Hunyo ng 2019.
Matatandaan na nagbabala pa ang senador na papatawan ng multa na aabot sa P1 milyon at babawiin ang prangkisa ng mga telco kung patuloy na maaantala ang pagpapatupad ng naturang batas.
“Noong una kong binalangkas ito noong 2016 at nai-refile noong 2017 hanggang sa naisabatas ito noong Pebrero 8, 2019, hindi ko inakala na mas magiging makabuluhan ito sa panahon na may pandemya at nakaasa tayo sa digital technology. Sana ay magtuloy-tuloy na ang telcos na maisakatuparan ang batas para sa kapakanan ng publiko,” sabi ng senador.

Leave a Reply

%d bloggers like this: