8 SENADOR, PISIKAL NA DADALO SA SONA NI PRRD

8 SENADOR, PISIKAL NA DADALO SA SONA NI PRRD

KINUMPIRMA ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na pito pang senador ang makakasama niya sa pisikal na pagdalo ng huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa sa Lunes, July 26.

Kasama ni Sotto sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Ronald “Bato” dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Christopher “Bong” Go, Imee Marcos, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Francis Tolentino para saksihan ang ika-anim na SONA ni Duterte.

“Only eight manifested their intention to attend the SONA physically. The rest will be virtual,” pahayag ni Sotto sa online briefing sa Senate Media.

Sinabi ni Sotto na bukod sa pagiging fully vaccinated, lahat ng dadalo sa SONA ay dapat na magpakita ng negative result ng RT-PCR test na ginawa dalawang araw bago ang okasyon.

Samantala, kinumpirma ni Sotto na hindi pa rin obligado ang lahat ng senador na dumalo nang personal sa kanilang sesyon, simula sa Lunes.

Ipinaliwanag ng lider ng Senado na epektibo pa rin ang kanilang resolution na pinapayagan ang hybrid session kung saan maaaring makiisa sa sesyon ang ibang senador via online.

Sa hanay ng kanilang mga empleyado, nananatili pa rin ang limitadong bilang ng mga papayagang pumasok bawat araw bagama’t 90 porsiyento na ng kanilang mga tauhan ang fully vaccinated.

Nakabinbin pa rin naman at pag-uusapan pa ng secretariat ng Senado kung papayagan na ang media coverage sa loob ng gusali subalit mananatili anya ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.

Kinakailangang fully vaccinated ang mamamahayag na magko-cover sa loob ng Senado at magpapakita ng negative result ng swab antigen test na kinuha dalawang araw bago ang takdang pagpasok nito.

Leave a Reply

%d bloggers like this: