MOTORCYCLE PARTS OWNERS, NAGPASAKLOLO KAY MAYOR OCA MALAPITAN VS ILLEGAL VENDORS

MOTORCYCLE PARTS OWNERS, NAGPASAKLOLO KAY MAYOR OCA MALAPITAN VS ILLEGAL VENDORS

NANANAWAGAN kay Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang mga lehitimong may-ari ng tindahan ng piyesa ng motorsiklo sa lungsod na tulungan silang sugpuin ang pagsulpot ng illegal vendors sa 9th at 10th Streets , Rizal Avenue sa lungsod.
Anila, simula nang mag-umpisa ang ‘lockdown’ buwan ng Marso, ng nakalipas na taon, bigla na lamang nagkaroon ng illegal vendors sa kanilang lugar na malaking sagabal at pahirap sa kanilang negosyo.
Modus-operandi ng mga illegal vendors na ito ay harangin ang mga customer na bibili sa kanilang mga tindahan. Madalas, kahit nasa tindahan na upang magtanong ng piyesa ay pilit pa rin silang kinukulit at hina-harass ng mga vendors.
May kakuntsaba ang mga naturang vendors sa maliliit na tindahan sa looban na siguradong mga walang business at working permit.
“Sila itong illegal ay sila pa itong matapang,” anang isang negosyante na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Bukod sa perwisyo sa negosyo, nalalagay din sa panganib ang karapatan ng mga mamimili dahil karamihan sa mga ibinebenta sa kanila ng mga illegal vendors ay mga peke, expired o reconditioned na produkto.
Ibig sabihin, hindi na rin alam ng mga malolokong customers kung pano pa nila hahabulin ang nagbenta ng sirang produkto dahil walang puwesto ang mga illegal vendors na ito.
Oktubre, 2018 nang ideklara ni Malapitan ang Caloocan bilang ‘Motorcycle Trading Capital.’
Kung ang Banawe sa Quezon City at Bangkal sa Makati City ay kinilala dahil sa mga tindahan ng piyesa sa mga kotse at mga de-apat na gulong na sasakyan; sa Caloocan City, partikular na sa 9th at 10th  streets sa South Caloocan ay nakahilera naman ang iba’t ibang tindahan ng motorsiklo, spare parts at mga special gadgets na may kinalaman sa pagmo-motor.
Katunayan, noong taon ding iyon nang ilunsad ang pagdiriwang ng
‘Arangkada Motorsiklo’ na nagtatampok ng ‘motor show,’ ‘drag race’ at dalawang araw na ‘sale’ sa piyesa ng motor bilang bahagi din sa taun-taong pagdiriwang na National Tourism Week.
Nilalahukan ito ng iba’t ibang motorcycle club o associations at iba pang motorcycle enthusiasts na mula rin sa ibang bayan, lungsod o lalawigan.
Kung susumahin, aabot sa ‘100 motorcycle shops and spareparts’ ang nasa kahabaan ng 9th and 10th Streets sa Rizal Avenue. Labas pa rito ang iba’t ibang tindahan din ng piyesa ng motor sa distrito ng North Caloocan.
Malaking buwis ang kanilang ipinapanhik sa City Hall at marami rin silang nabibigyan ng trabaho.
Anang mga businessmen, sinisira ng mga illegal vendors ang industriya ng motorsiklo sa lungsod. Sila nga naman itong nagbabayad ng buwis, business permit at nagpapasuweldo sa kanilang tauhan – labas pa ang ibinibigay na kontribusyon sa SSS at Philhealth – sila pa itong nadedehado ng ganitong uri ng labanan.
Madalas na rin nilang isinusumbong ang ganitong uri ng ‘pangha-harass’ at ‘panloloko’ ng mga illegal vendors, ngunit sa tuwing itinataboy sila ng mga tanod ni Kapitana Josepina Reyes ng Bgy. 106 ay nawawala sila pansamantala, tapos bumabalik uli pag-alis ng mga awtoridad.
Madalas din, kapag itinataboy ng businessmen ang mga illegal vendors ay sila pa ang inaaway, tinatakot at hina-harass; samantalang ibang tindera na rin nila ang nakararanas ng pambabastos.
May isang Chinese businessman din ang binugbog ng illegal vendor nang tinangka niya itong itaboy sa tapat ng kanilang tindahan.
“Sila na iyong illegal, sila pa iyong matapang. Sana matulungan kami ni Mayor Oca Malapitan bago pa malugi ang mga negosyo namin,” sabi ng isa pang neogysnate.
Dahil dito, isang manifesto ang ipadadala ng mga negosyante sa tanggapan ni Malapitan na nagpapasaklo sa panggigipit na inaaabot nila mula sa mga illegal vendors upang masagip din umano ang industriya ng motorsiklo sa lungsod.
Nais ding makahingi ng dayalogo ng mga negosyante kay Mayor Malapitan, gayundin  kay Caloocan City police chief Col. Samuel Mina para mapag-usapan kung paano sila matutulungan ng mga awtoridad ngayong panahon ng pandemya.
Ipinaalala ng mga businessmen na ang industriya ng motorsiklo ay malaking bagay din ngayong panahon ng pandemya dahil karamihan sa mga essential workers na napapasabak bilang frontliners ay motorsiklo ang pangunahing gamit na transportasyon sa pagpasok nila sa trabaho.
Motorsiklo rin ang ginagamit ng mga ‘food’ at ‘delivery riders’ na hina-harass din ng mga illegal vendors sa tuwing may bibilhing piyesa sa kanila.
“Saklolo po, Mayor Malapitan bago kami tuluyang malugi at magsara,” sabi pa nila.

Leave a Reply

%d bloggers like this: