EDUKASYON AT DAGDAG AYUDA, PINATUTUTUKAN SA ADMINISTRASYON

EDUKASYON AT DAGDAG AYUDA, PINATUTUTUKAN SA ADMINISTRASYON

UMAASA si Senador Grace Poe na tututukan ng gobyerno sa huling 11 buwan ng panunungkulan ang kapakanan ng mga estudyante at guro upang magpatuloy ang pagkatuto sa gitna ng kinakaharap na Covid19 pandemic.
Sinabi ni Poe na umaasa siyang bago ang pagsisimula ng klase sa Setyembre ay mabibigyan na ng bakuna ang lahat ng mga guro at ibang estudyante.’
“Magpapasukan itong Setyembre ang ating mga estudyante. Sana at least ang mga teachers natin lahat mabakunahan na. At ‘yung ibang mga estudyante din naman ay mabigyan ng proteksiyon,” pahayag ni Poe. 
Binigyang-diin ng senadora na kung hidni pa rin magkakaroon ng face-to-face classes, dapat matutukan ng education agencies na matiyak ang maayos na internet connection para sa online learning.
“Kung hindi sila makakapasok at patuloy pa rin ang online, halimbawa sa ibang lugar, paano natin matutulungan ang connectivity para naman may pang-load ang mga teacher at estudyante para makapag-aral sila,” diin ni Poe.
Samantala, nananawagan din si Poe sa administrasyon na magkakaroon muli ng cash assistance program para sa ating mga kababayan dahil marami pa rin ang walang trabaho. 
“Sabi nga ang unemployment ay eight percent sa ating mga kababayan. Ang iba naman may trabaho nga pero maliit pa rin ang kita. Labing-anim na buwan tayong naka-lockdown, ang naibigay na ayuda ay dalawang buwan lamang. Siguro pwede pang dagdagan para makatulong sa panggastos ng ating mga kababayan,” paliwanag ng mambabatas. 
“Pangalawa, ang ating health system—kasama na ang mga healthcare workers, ang ating mga ospital—sana bayaran na ng DOH ang mga utang nila, mabigyan ng tamang kompensasyon ang ating mga healthcare workers na hanggang ngayon, sabi nila ay kulang pa rin,” dagdag pa nito.

Leave a Reply

%d bloggers like this: