BURYONG NA ANG MGA BATA

BURYONG NA ANG MGA BATA

HANGGANG kailan nga ba natin ikukulong ang mga bata sa loob ng ating mga tahanan? Hanggang kailan ba natin sila hahayaang humarap sa kanilang mga gadgets, computers o sa telebisyon?

Kaisa tayo sa layunin ng gobyerno na panatilihing malusog ang mga bata lalo na laban sa virus na ito? Pero paano ang kanilang mental health?

Sangkaterba na rin ang isyu sa kalusugan ng labis-labis na paggamit ng mga gadget ng mga bata pero habang nasa loob lamang sila ng mga pamamahay, hindi ba’t hindi maiiwasan na ito ang kanilang paglibangan.

Oo, tama ang argumento na nasa magulang ang pagkontrol at pagdisiplina sa mga bata sa paggamit ng gadgets pero kung walang ibang opsyon, ano nga ba ang haharapin nila?

Tulad nga ng paalala ni Senadora Grace Poe, dapat nating isipin na ang pagbabalik sa paaralan ang unang hakbang upang maging normal muli ang buhay sa gitna ng Covid19 pandemic.

Pabor din tayo sa panawagan ni Poe na dapat din ng gobyerno ang malinaw na back-to-school program para sa Setyembre.

“For our children, this is their chance to catch up on the learning and experiences they’ve missed out on with friends and teachers. But are we ready? Are the teachers vaccinated? Are the protocols in place? Will our children be safe?” mga tanong nga ni Poe.

“Of course not everyone will be able to physically go back to school. What happens to them?” dagdag pa ng mambabatas.

Tulad ni Poe at ng iba pa nating mga mambabatas, hindi lamang ang academics ang dapat tutukan natin sa ating kabataan.

Higit na mahalaga ring ma-develop sa mga bata ang kanilang social interaction na syang bumubuo sa kanilang pagkatao.

Hindi naman puro talino ang kailangan natin sa mundong ito hindi ba? Marami sa atin ang tiyak kong aminado na mahalaga sa buhay ang diskarte at pakikipagkapwa tao.

Kaya naman, umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ilalatag na rin ng pamahalaan ang programa para sa ligtas na pagbabalik eskwela at ang pagbibigay prayoridad sa kabataan sa mga susunod na suplay ng bakuna kontra COVID 19.###

Leave a Reply

%d bloggers like this: