FAKE DERMA TIMBOG NG NBI

FAKE DERMA TIMBOG NG NBI

BUMAGSAK sa kalaboso ang isang nagpapanggap na beauty dermatologist makaraang mahuli  ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI)  habang nasa aktong tuturukan ng pampatunaw ng taba ang isang nagpanggap na kustomer sa kaniyang klinika sa Quezon City nitong nakaraang Lunes.

Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor ang inaresto na si Hazel G. Pablo, alyas Hazel Pablo Laniog, nasa hustong gulang at may-ari ng ZSS Medicare Inc./ Zelah Skincare Station sa may San Antonio 1, Quezon City.

Nabatid na isang complainant ang dumulog sa NBI para ireklamo si Pablo na nagpapakilalang isang Doctor of Aesthetics Medicine. Ayon sa complainant na isang lisensyadong medical practitioner, ginagamit ng suspek ang kaniyang pangalan at medical license sa kaniyang pagpapanggap bilang doktor.

Dito nagkasa ang NBI-Special Action Unit ng entrapment operation nitong Agosto 2 at ipinain ang isa nilang babaeng ahente na nagpanggap na kustomer na nais magpatanggal ng taba.

Photo c/o NBI

Siningil ang kustomer ng P50,000 para sa procedure. Ngunit nang aktong tuturukan na siya ng kemikal na magtatanggal umano ng taba sa katawan, dito na sumulpot ang tauhan ng NBI at ipinatupad ang pag-aresto.

Nakumpiska ng NBI mga palsipikadong reseta, hindi rehistradong mga produkto at kemikal, at iba pang medical equipments na gamit ng suspek. Bigo rin ang suspek na magpakita ng mga permit at lisensya bilang isang lisensyadong medical practitioner at klinika.

Sinampahan na ng kasong “Illegal Practice of Medicine” sa ilalim ng RA 2382 (The Medical Act of 1959); Section 10 ng RA 9711 (Food and Drugs Administration Act of 2009); Estafa at Falsification of Private Individual and Use of Falsified Documents sa ilalim ng Article 172 ng Revise Penal Code.

Leave a Reply

%d bloggers like this: